Para tiyaking mas epektibo niyang magaganap ang kanyang tungkulin bilang halal na mambabatas, nagbitiw si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa kanyang pwesto bilang executive vice president ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Ani Padilla, ihinain niya ang hindi na mababawing pagbibitiw o irrevocable resignation nitong Lunes – bagama’t mananatili siyang aktibong miyembro ng partido.
“Ngayong araw, ika-29 ng Mayo, 2023, akin pong inihain ang aking hindi na mababawing pagbibitiw o irrevocable resignation bilang Executive Vice President ng Partido Demokratiko Pilipino–Lakas ng Bayan (PDP-Laban). Gayunpaman, akin pong ipinahahayag ang aking hangarin na manatili bilang miyembro ng Partido,” ayon sa mambabatas.
“Nagtitiwala ako na ang aking desisyon ay para sa mas kapakinabangan at kabutihan ng PDP-Laban at sa lahat ng miyembro nito tungo sa kolektibong hangarin ng Partido – at higit sa lahat, sa mga mamamayang Pilipino,” dagdag nito.
Sa kanyang pagbibitiw, ipinunto ni Padilla na dahil malayo pa ang tutunguhin ng PDP-Laban, kasabay nito ang “mas malaki at maigting na responsibilidad na kadikit ng tungkulin ng Ikalawang Tagapangulo.”
Dagdag niya, mulat siya na mabigat ang mandato niya bilang senador na halal ng taumbayan, at mas nararapat na maging EVP ng partido ang makapaglalaan ng buong oras para sa responsibilidad nito.
“Bilang nanunungkulang Senador na mayroong mabigat na mandato sa taumbayan, mulat po ako na kailangang magbigay daan ang ibang pananagutan, kabilang na ang aking posisyon bilang EVP, para sa mas epektibong pagganap sa aking mga sinumpaang tungkulin sa bayan,” aniya.
Opisyal na Pahayag ni Sen. Padilla