Umaayon po tayo na kailangang matukoy ng tama at napapanahon ang kakayahan sa pananalapi (financial capacity) ng ating mga lokal na pamahalaan at regular na masuri ang anumang pagbabago sa naturang kapasidad.
Malaki po ang implikasyon ng Income Classification ng mga Local Government Units (LGUs) sa kanilang pagganap ng kanilang mandato. Nagsisilbi itong batayan para sa pagsasaayos ng maximum tax ceiling na maari nilang ipataw; pinansyal na grants at aid na maari nilang matanggap; pasahod at benepisyo ng mga lokal na opisyal at empleyado; at maging limitasyon sa kanilang kakayahang umutang.
Mahalaga ang layon ng panukalang batas lalo na’t ang huling naitalang income reclassification ng mga lalawigan, lungsod at munisipalidad ay taong 2008 pa o 14 na taon na ang nakakaraan. Dahil sa kasalukuyang klasipikasyon na hindi sumasalamin sa totoo at aktwal na katayuan sa pananalapi ng mga LGU, nalilimitahan ang kanilang kakayahan na makakuha ng access sa mga programa, tulong, at iba pang mga oportunidad na makapaghahatid ng serbisyo publiko para sa kanilang nasasakupan.
Gayong sumusuporta po tayo sa layunin ng panukalang batas, NAIS KO PONG MAGPAHAYAG NG AKING RESERBASYON, partikular na sa Seksyon 5 na nagbibigay ng administratibong awtoridad sa Kalihim ng Department of Finance (DOF) na isaayos ang income ranges na nakasaad sa batas batay sa pagtaas ng annual regular income mula sa nakaraang income classification, at magsagawa ng regular income reclassification minsan sa tatlong (3) taon gamit ang ilang batayan.
Tulad ng opinyon ng Pinunong Minorya, Senator Aquilino “Koko” Pimentel III, tayo po ay may agam-agam sa kaangkupan ng nasabing seksyon sa isinasaad ng Konstitusyon ukol sa non-delegation of legislative powers.
Malinaw po ang isinasaad ng 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas, SEKSYON 1, Artikulo VI, “Dapat masalalay sa isang Kongreso ng Pilipinas ang kapangyarihang Tagapagbatas, na dapat na binubuo ng isang Senado at isang Kapulungan ng mga Kinatawan, xxx.” Ang delegasyon ng kapangyarihan ay nangangahulugang ng pagsuko ng awtoridad sa mga kinatawan, o sa kaso ng legislative powers, sa Kongreso. Samakatwid, ang paggawa at pag-amyenda ng batas ay maaari lamang gawin ng Kongreso.
Ang pangkalahatang prinsipyo ng non-delegation of legislative powers ay nakadikit sa doktrina ng separation of powers.
Kung atin pong hihinamayin, ang LGU income classification ay nakapasan sa mandato ng Kongreso. Sinimulan po ito sa Seksyon 9 ng Executive Order (EO) No. 249, series of 1987, na ipinasa noong Hulyo 25, 1987, na nagbibigay sa Kalihim ng Pananalapi (SOF) ng administrative authority upang suriin at irekomenda ang mga naaangkop na pagbabago sa income ranges ng klasipikasyon ng kita ng mga LGUs isang beses bawat apat na taon. Binibigyan diin po natin na ang awtoridad ng Kalihim ng Department of Finance ay umaabot lamang sa pagrekomenda ng mga angkop na pagbabago ng naturang iskedyul ng kita o income ranges sa tamang awtoridad— ang Kongreso ng Pilipinas.
Sa ilalim ng Seksiyon 8 ng Local Government Code of 1991 na ipinasa noong Oktubre 10, 1991, itinatakda na ang klasipikasyon ng kita ng mga LGUs ay dapat i-update sa loob ng anim (6) na buwan mula sa bisa ng batas. Wala ring binanggit na iniaatas ang kapangyarihan sa Kalihim ng DOF.
Sa katunayan, pinagtibay ito ng Department of Justice sa kanilang mga inilabas na opinyon posisyon mayroon lamang “recommendatory authority” ang DOF sa pagbabago sa mga klasipikasyon ng kita ng mga LGUs.
Batid po natin na sa huli ay nasa Korte Suprema pa rin ang pagtukoy ng constitutionality ng nasabing Seksyon 5. Gayuman, bago po magtapos ang pagdinig sa panukalang ito, nais ko pong bigyan diin na hindi mababago ang layon ng panukalang batas kung mananatili at gagampanan ng Kongreso ang ating tungkulin.
Muli po, maraming salamat po, Ginoong Tagapangulo. At maraming salamat po sa ating pinunong mayorya. Mabuhay.
Video: