Sa Pambansang Araw ng mga Katutubo, nangako si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa mga katutubong Pilipino na kanyang poprotektahan ang karapatan nila sa kanilang ancestral domain.
Ginawa ni Padilla ang pangako sa pagbubukas ng eksibit tungkol sa hinabing salaysay ng mga katutubo, kung saan nakiisa at nagbigay pugay siya sa mga katutubong Pilipino.
“Ang isang gusto kong sabihin ay sana ang pamana ng kultura sa atin, ang yaman ng sining, yaman ng kasuotan natin, sana po isang araw, ang lupa ng ating mga katutubo ay mabigyan natin ng proteksyon,” aniya.
Dagdag ni Padilla, matagal na niya ito pinaguusapan ni Sen. Loren Legarda. Aniya, iginiit ni Legarda na ang ancestral domain ay “isang bagay na dapat natin ipaglaban.”
“Isang bagay ang dapat nating tayuan at yan ang ancestral domain,” ayon din sa mambabatas na tagapangulo ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs.
Tampok sa eksibit ang likhang tekstil at tela ng mga kultural na pamayanan kasama ang Tuwali, Ifugao, Tingguian (Itneg), Ikalinga/Ykalinga, Hanunuo, Mangyan, Yakan, Higaonon, Mandaya, Bagobo Manobo, Blaan, Iranon/Maguindanaon, Meranaw at Tausug.
Nakilahok sa eksibit sina Senador Legarda, Sherwin Gatchalian, Sonny Angara, Bong Go at Cynthia Villar; Rep. Lani Mercado; Science Secretary Renato Solidum Jr.; Rebecca Licayen ng mga Tboli; Julius Leano Jr. ng DOST Philippine Textile Research Institute; ang asawa ni Padilla na si
Mariel; at iba pang kilalang personalidad tulad nina Tim Yap, Niña Corpuz, Gladys Reyes, Juancho Trivino, Joyce Pring-Trivino, at Karla Estrada.