Mas maayos na selda, oras na magpahangin, at paghiwalay ng mga hardcore na “crime lord” sa “general population” ng mga bilanggo.
Ilan ito sa mga repormang kailangang unahin para hindi maulit ang pagtangka ng persons deprived of liberty (PDL) na tumakas o gumawa ng ibang kalokohan, ani Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.
“Una, diyan kako ang magandang kalulugaran nila. Meron silang magandang selda, may oras para magpahangin. At higit sa lahat di sila overpopulated… Kaya po sana, maintindihan ng ating mga mambabatas na katulad ko na kailangan natin ayusin ang prison system natin,” ani Padilla sa panayam sa SMNI nitong Miyerkules, isang araw matapos magsagawa ng pagdinig ang Senado sa New Bilibid Prison.
“Ang dapat pagtuunan ng pansin, huwag isama ang hardcore criminal sa petty criminal. Matagal kong advocacy yan. Hindi ko maintindihan bakit ang drug pusher na yan, mga drug lord na yan, di ko maintindihan bakit sinasama sa NBP, dapat iba ang kanilang kulungan, isolated, walang contact,” dagdag niya. “Dapat may sariling kulungan sa maximum na walang kahalong ibang kaso.”
Iginiit ni Padilla na mabuburyong ang mga bilanggo kung kulang ang tulog nila dahil sobrang siksik sila sa maliit na espasyo. Aniya, ito ang dahilan ng adbokasiya niyang gawing regionalized ang NBP, para mas madali ang pagdalaw sa kanila ng mga mahal sa buhay.
“Noong ako ay nakakulong diyan, kalahati (ng bilanggo ay) nakatulog, kalahati ang nakaupo. Una ang matatanda at maysakit. Pagbukas ng selda, ang matutulog naman ang hindi natulog. Sa loob ng CR may natulog. Yan ang No. 1 torture diyan. Pag di nakakatulog parang may tawag sa torture na yan, sleep deprivation. Yan kailangan maayos ang kanilang kulungan,” ayon kay Padilla.
Dagdag niya, ang mga hardcore criminal tulad ng drug lord ay dapat ikulong sa “isolated” area para hindi nila gawing alipores ang mga bilanggong may “petty” cases. “Ang mga yan nabubuhay sa contact. Ilalagay mo yan sa Bilibid, pwede nilang gawing army,” aniya.
Samantala, hindi pa rin makapaniwala si Padilla ilang detalye ng salaysay ni Michael Catarroja kung paano siya tumakas sa NBP noong Hulyo. Bagama’t hihintayin niya ang ulat ng BuCor at ng Senate Committee on Justice and Human Rights, “pambihira” ang mala-pelikulang pagtakas ni Catarroja
“Ayokong pangunahan ang imbestigasyon, pero sa akin lang, hanggang sa oras na ito, isang mahiwagang pangyayari ang pagtakas ni Catarroja. Ako hanggang sa oras na ito di makapaniwala,” aniya.
Video: