Handang handa na si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na patindihin ang kanyang pagsulong sa pederalismo, matapos magpahayag muli ng suporta rito si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ani Padilla, isa sa mga paraan para makamtan ito ay ang pagtalakay sa mga panukalang pagbabago sa Saligang Batas para totohanang mapunta sa lokal na pamahalaan ang kapangyarihang magbigay ng serbisyo.
“Matagal ko nang isinusulong ang pederalismo, kung kaya’t isang malaking inspirasyon ang pahayag ng ating Pangulo tungkol dito. Handa akong gawin ang lahat para makamtan ito,” iginiit ni Padilla, na chairman ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes.
Ipinahayag ng Pangulo nitong Huwebes na nagawa na ng gobyerno ang unang hakbang patungo sa pederalismo sa pamamagitan ng pamamahagi ng kapangyarihan sa lokal na pamahalaan.
Sang-ayon si Padilla sa pahayag ng Pangulo na hindi dapat sa “Imperial Manila” nakatutok ang kapangyarihan.
Noong Hulyo 2022, ihinain ni Padilla ang Senate Resolution 6, kung saan iginiit niyang panahon na para repasuhin ang ilang probisyon ating Saligang Batas – kasama na ang pagkaroon ng pederalismo at parliamentary government – para matupad ang layunin nitong bigyan ang Pilipino ng makatarungang lipunan.
Ikinalungkot ni Padilla na hindi pantay-pantay ang paglago ng ekonomiya, at nakasentro ito sa iilang rehiyon – 57 porsyento sa Metro Manila, Gitnang Luzon at Calabarzon; at 43 porsyento lang sa ibang rehiyon mula 2019 hanggang 2021.
Dagdag ng mambabatas, dapat ding pag-aralan ang pederalismo para mas maayos na matugunan ang alalahanin ng mamamayan sa iba’t ibang rehiyon.
Iginiit ni Padilla na sa ilalim ng federal form of government, hindi na centralized ang kapangyarihan ng gobyerno – habang sa ilalim ng parliamentary system, magkakaroon ng mapayapang pagtanggal sa pinuno hindi tulad ng kudeta o “mob rule.”