Robin, Ipinaglaban ang Karapatan ng ‘Maliliit’ na Nagtatrabaho sa Showbiz

Sapat at masustansyang pagkain, maayos na standby area, at sapat na oras sa trabaho. Ilan ito sa mga karapatang isinulong ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para sa mga “maliliit” na nagtatrabaho sa industriya ng pelikula.

Ani Padilla sa pagdinig ng Senado sa panukalang “Eddie Garcia Act” kung saan isa siya sa mga may-akda, mahalaga ito para magkaroon ng magandang workflow sa industriyang kanyang pinanggalingan.

“Mahalaga sa amin mga maliliit kasi mga big star… kaya kami nanggagalaiti dito para doon sa maliliit, kasi ang big star, may pagkain yan,” aniya sa mga stakeholder na dumalo sa pagdinig.

“Sana po magtulungan tayo. Hindi po tayo nandito para magtalo-talo o di magkasundo. Gusto lang po nating magkaroon ng napakagandang workflow sa ating industry kahit ang industry natin medyo nasa alanganin ngayon,” dagdag niya.

Ipinunto ni Padilla sa mga producer na dapat may dietitian para sa kakainin ng mga tao, para tiyaking kakayanin nilang magtrabaho. “Nagpuyat ka na tapos pakakainin ka ng isang bakol ng upo medyo mahirap naman,” aniya.

Dagdag ni Padilla, dapat may sapat na standby area para sa mga senior at mga bata na performer. “Kadalasan kasi pagdating sa talent, nasa kalsada lang,” aniya.

Isinulong din ni Padilla ang tax holidays para makabawi ang industriya, “dahil alam kong overtaxed kayo.”

Ayon kay Joji Alonso ng Philippine Motion Picture Producers Association, sang-ayon sila sa 14-oras ng workday. Aniya, hirap ang industriya dahil hanggang P12 milyon lang ang kita ng mga producer sa isang linggo at sa Metro Manila Film Festival pa ito – malayo sa kailangan nilang kitain na P72 milyon para lang makabawi.