Maging inspirasyon sa mga kabataan para yakapin nila ang disiplina. Ito ang panawagan ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Biyernes sa mga “elite” na Scout Rangers ng Philippine Army.
Umaasa si Padilla, na isang reserve Captain sa Philippine Army, na maging inspirasyon ang kabayanihan ng mga Scout Rangers sa mga kabataan para mag-Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at military training.
“Sana maging halimbawa tayo sa kabataan na yakapin nila ang military training… Sana kayo ang maging daan para ang mga kabataan, magkaroon ng inspirasyon at susunod sa inyong mga yapak,” aniya sa pagtatapos ng Scout Ranger Course Class 220-2023 sa First Scout Ranger Regiment sa Camp Tecson sa San Miguel, Bulacan.
“Kailangan natin ng disiplina at disiplinang yan makukuha sa military training,” dagdag niya, sabay ang bilin sa Scout Ranger na maging “ambassador” para maipasa ang panukalang batas para sa mandatory ROTC.
“Sana dumating ang panahon makita ko rin na magkaroon tayo ng medyo malayo sa pangarap pero mandatoryong military service sa kabataan natin,” ayon din kay Padilla.
Ani Padilla, malaki ang paghanga niya sa Scout Rangers dahil sa papel nila sa pagpapalaya sa Marawi sa mga terorista noong 2017. Ayon sa kanya, nakaka-inspire ang kahandaan nila na ibigay ang buhay para sa mga Muslim sa Marawi.
Pero ngayon, ikinalungkot niya na habang ang bata sa ibang bansa na edad 10 pataas ay marunong nang mag-disassemble at reassemble ng baril, ang mga bata sa Pilipinas ay hanggang manyika at laruan lang.
“Nakakalungkot isipin yan sapagkat walang dedepensa sa bayan natin kundI tayo mga kabataan natin,” aniya.
Tiniyak din ni Padilla – na ginawaran ng Scout Ranger Honorary Badge – na ipaglalaban niya ang sapat na budget para sa Scout Ranger sa 2024.
Muling iginiit ni Padilla na kailangang ihanda ang kabataan para maging handa laban sa mga “external threat” dahil sa mga pangyayari sa ibang bansa, kung saan maaaring madamay ang Pilipinas.
Dahil dito, ipinunto niya na kailangan ang ROTC para sa kabataan. Aniya, hindi niya maintindihan kung bakit iminumungkahi ang “sports training” bilang pamalit sa ROTC.
Bagama’t hindi kontra sa sports training si Padilla, ipinunto niya na iba pa rin ang military training kung saan ang sundalo ay handang isakripisyo ang buhay para sa bayan.
“Iba ang sundalo, magmula sa unang araw pa lang ng pagpasok hanggang pagkatapos ng training mo isa lang nasa utak mo: Giving your life to the country. Yan ang kailangan natin sa panahon ngayon,” aniya.
“Yan ang kailangan natin ngayon. Ihanda natin ang ating mga kabataan sa external threat,” dagdag niya.
Ibinilin mi Padilla sa Scout Rangers na huwag pabayaan ang kabataan na maging “keyboard warriors” lamang sa pagtatanggol sa bansa.
“Isa na lang po ang aking bilin sa inyo. Huwag po naging pabayaan na ang ating kabataan ay matapang na lang sa keyboard. Hindi ganyan ang Pilipino. Huwag tayong pumayag na hanggang keyboard na lang kabataan natin hanggang TikTok na lang,” aniya.