Malinaw na patakaran sa Halal certification sa pagkain, at pinaigting na awareness drive tungkol sa dietary principles ng mga Muslim. Ilan ito sa mga hakbang na isinulong nitong Lunes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para maiwasan ang insidenteng nauugat sa paglabag sa paniniwala ng mga Muslim.
Tinalakay ang mga panukalang ito sa pagdinig ng Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs, na nanuri sa ilang kontrobersya kasama ang pagkasawi ng dalawang pulis dahil sa alitang nag-ugat diumano sa pagpapakain ng karneng baboy, at ang isyu ng pagbigay ng tatak na Halal.
“Nais ko pong linawin: hindi po ito paghiling ng espesyal na pagtrato. Atin lamang pong inaasahan na sa usaping ito, ay magkaroon tayo ng tapat na pakikitungo sa ating kapwa, at ganap na transparency sa publiko nang walang anumang anyo ng panlilinlang,” ani Padilla na namuno sa pagdinig.
Isa sa mga panawagan ni Padilla ang paglinaw sa papel ng mga ahensyang nag-certify ng Halal at naghuhuli ng pekeng Halal na produkto. Sa ngayon, aniya, Department of Trade and Industry at National Commission on Muslim Filipinos ang nagbibigay ng certification at accreditation.
Ayon sa kanya, napakalaki ng industriya ng Halal – higit sa $2.22 trilyon (P121.28 trilyon) base sa International Market Analysis Research and Consulting Group nitong 2022. Inaasahang lalaki pa ito sa P228.1 trilyon sa 2028.
“Hiwalayin natin, isang nagse-certify at isa naghuhuli,” ani Padilla. “Kailangan nating proteksyunan ang Muslim brothers and sisters. Bilang kami mambabatas din, tingnan din natin ang kapakanan naman ng ating nagnenegosyo.”
Isinulong din ni Padilla ang pinaigting na awareness at education campaign sa Philippine National Police at kaukulang ahensya ng pamahalaan para sa mga dietary principle ng mga Muslim.
Aniya, maaaring makatulong ito para maiwasan ang insidente tulad ng pamamaril na kumitil sa dalawang pulis Taguig dahil pinakain sa isang pulis na Muslim ang karneng baboy.
Samantala, itinalakay din sa pagdinig ang Senate Bill 2406 na nagtatalaga sa Marso 1 bilang araw ng pagkilala sa mga pambansang kasuotang tradisyunal at pangrelihiyon.
Ani Padilla, ang kasaysayan natin ay hindi lamang nasa mga aklat at dokumento, nguni’t nakahabi rin sa ating uri ng pananamit tulad ng “Barong Tagalog,” “Balintawak,” at “Baro’t Saya”; Ilonggo jusi at pina, Moro malong, Bicol sinamay, nipis, at patadyong, ang Ilocano abel, Visayan tapis pintados, Bagobo dagmay, Bilaan tandayon, Mandaya ikat, at marami pang iba.
“Sa madaling sabi, kung nais po nating bigyang diin ang pag-iingat sa ating pambansang pagkakakilanlan at sa bukod-tanging kultura at tradisyon ng isang daan at sampung (110) grupo ng Indigenous Peoples o IPs na binubuo ng 14 hanggang 17 milyong Pilipino, mahalagang hakbang po ang pagtatalaga ng isang araw ng pagkilala sa ating kasuotang tradisyunal at panrelihiyon,” aniya.