Mismong korte na ang naghatol na isang biktima nga ng “mistaken identity” ang isang matandang Muslim na ipinagtanggol ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.
Dahil dito, “granted” ng Taguig City Regional Trial Court (RTC) Branches 271 at 153 ang mga motion to dismiss at motion to release para kay Mohammad Maca-Antal Said, 62.
Kinasuhan si Said ng frustrated murder sa Taguig RTC Branch 271 at murder and frustrated murder sa Taguig RTC Branch 153.
Nguni’t hindi pa agad makalaya si Said dahil may dalawa pang pagdinig sa kaso sa iba’t ibang korte na nakatakda sa mga darating na linggo.
Noong Setyembre, iginiit ni Padilla ang hustisya para kay “Tatay Mohammad” na inaresto noong Agosto dahil kapangalan ang isang taong sangkot sa maraming karumal-dumal na krimen.
“Ang kaso po ng mistaken identity ay hindi makatwiran, hindi makatarungan at hindi makatao. Hindi na po ito katanggap-tanggap lalo na sa panahon na bumubuhos ang technology at innovation. Kung nais nating ibalik ang buong tiwala ng publiko at patatagin ang pundasyon ng isang makatarungang lipunan, wala na pong Pilipino ang matutulad sa kapalarang sinapit ni Tatay Mohammad,” aniya.
“Ang pinakamahalagang punto po ay ang pagsusuri ng ating mga sistema at polisiya para sa ating mga ahensyang nagpapatupad ng batas sa pamamagitan ng pagbibigay ng tumpak na kritikal na impormasyon sa paghuli sa mga aktwal na kriminal,” dagdag niya.