Robin: Maghanap ng Paraan Para Palakasin ang Pondo sa Marawi Compensation

Iginiit ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes ng gabi na kailangan ng pamahalaan maghanap ng paraan para tiyaking may pondo ang compensation programs para sa mga biktima ng 2017 Marawi Siege.

Sa interpellation niya sa 2024 budget ng Marawi Compensation Board, ipinunto ni Padilla na dapat madaliin ito dahil hindi pa nawawala ang banta ng dayuhang terorismo na akitin ang mga lugmok pa sa kahirapan.

“Ito terorismo na nakapasok sa ating bansa at ito ay foreign at ito di nawawala ang threat. Nandito pa ang threat na ito. Hanggang ang pinangako natin na mga makukuha nilang masasabi nating compensation sa gobyerno hanggang di natin nabibigay, lumalakas ang threat na yan sapagka’t yan ang gagamitin ng mga terorista para kumbinsihin pa ang mga bata kasi ang karamihan sa naimpluwensyahan ng teroristang ito mga bata, sila ang kinamkam ang pagiisip at naniwala sa ideology na terorismo,” aniya.

“Hindi ito usapin ng pulitika o batas, usapan ito ng pagiging magkakapatid… Pinaguusapan natin dito faith, pananampalataya natin, brotherhood, sisterhood. Hirap ang national government na humanap ng pera, paabutin ba natin sa punto na ang kapatid natin maghihintay parang kawawa, meron naman tayong pera?” dagdag niya.

Ani Padilla, sa paguusap niya sa Marawi Compensation Board, baka kulang ang P1-bilyong budget nito dahil nauubos ito sa tatlo o apat na buwan.

Dahil dito, iginiit niya na maghanap ng ibang panggagalingan ng pondo, kasama ang P6 bilyon na unprogrammed funds, para sa compensation efforts.

Mahalaga rin na tiyaking ang mga naapektuhan ng Marawi Siege ay mabigyan ng livelihood. Ani Padilla, dapat ma-explore ang “non-monetary programs” na iniisip ng MCB, lalo na sa pakikipagugnayan sa Ministry of Social Welfare and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ayon naman kay Sen. Risa Hontiveros na nag-sponsor ng MCB budget, plano ng MCB na bigyan ang tumanggap ng compensation ng financial literacy skills training.

Dagdag ni Hontiveros, nag-explore din sila ng dagdag na panggalingan ng pondo para sa MCB para magawa nito ang trabaho nito. Aniya, tinitiyak ng MCB ang compensation para sa non-Muslim na biktima. Aniya, halos 90 porsyento ng death claims ay para sa non-Muslim laborers.

Ani Hontiveros, ang unang batch ng tatanggap ng tulong ay mga may death claims, at may commemorative program para maibigay ang unang batch ng awards – na sabay sa anibersaryo ng paglaya sa Marawi.

*****

Video: