Pahayag Patungkol sa Nagaganap na Giyera sa Pagitan ng Israel at Hamas

Asalaamu alaikum. Shalom. Sumainyo po ang kapayapaan. Peace be with you.

Ang inyong lingkod ay nakikiisa sa buong daigdig sa panalangin upang matugunan ang malawakang kahilingang magkaroon po ng tigil putukan sa pagitan po ng Israel at ng militanteng grupong Hamas, na nakapaloob din po sa Resolusyon 2712 ng United Nations Security Council.

Nakapanlalambot na po at nakadudurog ng puso ang sinasapit ng mga inosente at walang kalaban-labang naging biktima sa giyera, lalong higit sa mga bata, sa kabataan. Isang napakalaking kalabisan po na mga ospital at maging mga refugee centers ay nadamay po sa opensiba.

Ayon po sa datos mula sa Al Jazeera channel, mahigit na po 14,000 ang nasawi sa giyerang ito, kung saan tinatayang halos 6,000 na po ay mga bata at kabataan.

Sa panahong ito kung saang isinusulong ng maraming nasyon ang kahalagahan ng mental na kalusugan, labis pong nakakapangambang maaaring epekto nito sa mga bata, na sa kanilang musmos na kaisipan ay nagaganap po ang mga karumal-dumal na karahasang ito.

Muli po, ang aking panalangin, ating panalangin: pang-unawa na sana’y magkaroon na po ng tigil putukan sa pagitan ng dalawang panig. Maraming salamat po.

*****

Video: