Robin, Nais Imbestigahan ang ‘Union-Busting’ ng Converge/Metroworks

Ipinagtanggol ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang karapatan ng mga empleyado ng isang kumpanya na diumano’y nagpatupad ng “redundancy program” para buwagin ang unyon ng manggagawa nito.

Sa Senate Resolution 868, hinimok ni Padilla ang Senate Committee on Labor, Employment and Human Resource Development na imbestigahan ang programa ng Converge/Metroworks ICT Construction Inc.

“In spite of Constitutional mandates and labor laws, rules and regulations on workers’ protection, there are strong allegations that Converge/Metroworks ICT Construction Inc. is in violation of the said issuances,” ani Padilla sa kanyang resolusyon.

Ayon sa resolusyon, ipinunto ng mga empleyadong myembro ng unyon na ginawa ng management ang redundancy program noong Nobyembre 20, sa halip na makipag-negotiate ng Collective Bargaining Agreement.

Sa resolusyon ni Padilla, hindi nagbago ang posisyon ng unyon at management kahit nakipagpulong sila sa Regional Conciliation and Mediation Board ng Metro Manila.

Dahil dito, iginiit ni Padilla na kailangan ang imbestigasyon “in aid of legislation” para malaman kung ang redundancy program ay “(for) the purpose of dismantling employee unions.”

*****