SRP Manifestation on MSU bombing

Ito pong katagang “Asalaamu Alaikum,” ito po ay isa sa pinakamahalaga sa isang Muslim. Ito po ay hindi ka matatawag na isang Muslim kung hindi mo ito isinasabuhay. Ito ay pagpapangaral ng kapayapaan. At ako po ay nagpapasalamat sa mga kasama po nating senador sa araw na ito lalong lalo na po kay Sen. Bato dela Rosa, Sen. Loren Legarda, Sen. Joel, Sen. Bong Revilla, at kay Sen. Win Gatchalian. Sapagka’t napakalinaw po sa kanilang mga paliwanag na wala pong kinalaman ang religion sa nangyaring ito.

Ito po ay paglilinaw sapagka’t napakaraming lumalabas sa social media na gustong parang ibalik ang mga iniiwasan nating katagang away ng Muslim at Kristiyano, na ito ay gusto nilang paigtingin. Ako po ay nagpapasalamat sa mga kaibigan at kasama natin sa Senado sapagka’t napakalinaw po na wala Ito sa katuruan ng ating religion. Ito pong dayuhang ideology kailanman hindi ito naging ideology ng mga tinatawag po nating nagbalik-loob katulad po ng nasa BARMM. At ganoon din po sa MNLF. Wala po ito kahit kailan na nagkaroon ng ganitong klaseng paniniwala na sa loob ng pagsamba ng ating mga kapatid na Katoliko sila po ay pasasabugin. Hindi po ito kailanman matatanggap ng mga Muslim na ito po ay kasama sa aming pananampalataya dahil malinaw po sa Koran na sinasabi, ang pumatay ka ng taong walang kasalanan ay para mo nang pinatay mo ang buong daigdig. Ganoon din ang sinabi ng banal na Koran na there is no compulsion in religion. Wala pong pilitan sa religion. Kaya may kalayaan ang bawa’t isa kung ano po ang kanilang pinipiling relhiyon.

Ngayon po mahal na pangulo, ang aking isasambitin ang patungkol sa aking binanggit noong nandito ang OPAPRU noong panahon ng kanilang budget hearing. Binanggit ko na po ito at ako po ay muling nagpapasalamat muli sa kapatid kong senador na nagpapasa na mabigyan po uli ng budget ang Marawi Compensation Board sapagka’t napakahalaga po na ang mga naging biktima ng Marawi siege ay mapasakanila po muli ang naipangako sa kanila ng gobyerno at ganoon din po ang hinihinging budget ng OPAPRU para sa combatants ng MILF na inaantay pa po hanggang ngayon ang kanilang hinihingi na pinangako sa kanila ng gobyerno.

Dahil mahal na pangulo, itong kaganapang ito at napatunayan na po at nasabi na rin po ni Sen Bato dela Rosa na ito pong nangyaring ito ay retaliation ng teroristang grupo sa nangyaring operasyon ng ating military forces. At yan po ay hindi lang yan nangyari sa Cotabato kundi nangyayari din yan sa Basilan. Bago nangyari ito may nangyaring namatayan tayong 2 CAFGU sa Basilan sa kanilang ginagawang operasyon laban sa teroristang ito. Ito po ay tuloy-tuloy. Pero tandaan po natin mahal na pangulo na hindi po puro gyera ang sagot natin dito. Kailangan po nating makuha ang puso at kaisipan ng mga tao na hanggang sa ngayon hindi pa rin naniniwala sa tawag ng ating kapayapaan dahil sa mga pangakong di pa naibibigay sa kanilang mga tatay lolo uncle.

Ito pong gumagawang ito ay napapatunayan nating mga bata ito. Itong nangyaring engkwentro sa Cotabato kung saan maraming namatay na mga terorista kung makita nyo ang larawan mga bata ito, mga batang naliligaw sa isang dayuhang, dayuhan, dayuhan po ito, hindi ito Pilipino hindi ito Bangsamoro. Dayuhang ideology na nakarating sa Pilipinas.

Kaya po mga mahal kong kasama sa bulwagang ito kung gaano po natin pinaiigting ang ating pwersa laban sa external threats, ito pong internal threat na nandito na ngayon sa ating bayan ay wag po natin pabayaan. Lalo po nating palakasin ang ating suporta sa ating military sa intelligence upang lalong igtingin nila ang operasyon laban dito sa mga dayuhang ito sapagka’t mahal na pangulo nandito po sila. Sila po ay napigilan lang natin noong Marawi siege sapagka’t talagang ginyera natin sila pero sila po ay nananatili dito. Kaya po muli ako ay nagpapasalamat sa inyong suporta na inyong binibigay lalo sa nakaraang budget napakalaking bagay po yan na muli nyo tutulungan ang MCB at OPAPRU.

Ang gusto ko lamang po huling sabihin mga mahal kong kasama ang pasasalamat sa inyong lahat na inyong niliwanag na wala pong kinalaman ang Islam dito. Ito po ay mga terorista at kailanman hindi po sila ang representation ng mga Muslim. Maraming salamat po.

Video: