Tamang oras ng pagtatrabaho, pagtiyak ng kalusugan, at sapat na sahod para sa mga manggagawa.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, matapos magpahayag ng suporta sa resolusyon at panukalang batas sa Senado na sumusulong ng karapatan ng mga manggagawa.
Nagpahayag ng suporta si Padilla para sa resolusyon ng Senado na sumasang-ayon sa International Labor Organization Convention 190 o ang pag-alis ng violence at harassment sa lugar ng trabaho.
“Sana po ito po ang panimula at dito sa ating bulwagan alam ko po na tayo ay inip na inip na ring itaas ang sweldo ng ating manggagawa. Pagkatapos po nating ipaglaban ang kanilang karapatan na mawala ang karahasan at panliligalig sa mga workplaces, ito naman po sana ang isunod natin,” aniya.
Dagdag ni Padilla, “buhay na buhay pa rin ang espiritu ng rebolusyon sa ating puso at ang pagnanais natin na mabigyan ng tamang karapatan ang ating mga manggagawa.”
Video:
Sa kanya namang co-sponsorship speech para sa Senate Bill 2505 (Eddie Garcia Act) na tinitiyak ang makataong kondisyon para sa mga manggagawa sa TV at pelikula, iginiit ni Padilla na dapat isulong ang pinaglalaban nina Andres Bonifacio, Macario Sakay at Emilio Jacinto, na aniya’y mga artista din sa entablado.
“Ito po ay tuloy-tuloy na pakikibaka ng mga artista para po magkaroon ng napakagandang environment naman sa amin pong pinagtatrabahuhan. Dahil nabanggit kanina ni Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Bong Revilla minsan umaabot kami ng 36 hours diretso. Una po ang masama na sa kalusugan,” aniya.
“Sabi nga po nila, ito raw pong ita-translate ko sa Tagalog, ang sabi po nila, ang pag-asa ay nakalagak sa mga panaginip, imahinasyon at lakas ng loob upang gawing realidad ang isang pangarap. Ito po ay isang pangarap hindi lang ng mga artista kundi lahat ng nagtatrabaho sa TV, pelikula, maging mga sabihin natin sa entablado. Ito po ang kanilang pangarap, magkaroon po ng tamang oras ng pagtatrabaho,” dagdag niya.
Video: