Mas masinsinang pagtalakay sa pag-amyenda sa Saligang Batas, ang legalisasyon ng medical cannabis at diborsyo, at sibilisadong pagtugon sa tensyon sa West Philippine Sea.
Kasama ito sa mga hiling para sa Bagong Taon ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, na nangako ring haharangin ang pagtangkang isingit ang “self-serving” na agenda sa pag-amyenda sa Saligang Batas.
Iginiit ni Padilla, na tagapangulo ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes, na mismong si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang nagpahayag na kailangang tingnan muli ang economic provision sa Saligang Batas.
“Ang direksyon ng ating pangulo, ay ang maalis ang economic restrictions sa ating Constitution. Sana sa pagbabalik natin sa plenaryo sa 2024, maharap na natin ang usaping ito,” ani Padilla sa Facebook Live session Biyernes ng gabi.
Dagdag niya, hindi siya papayag na may sisingit ng political amendments sa Saligang Batas kung tinatalakay ang mga economic amendments.
Ito ang dahilan kung bakit hiwalay ang pag-file niya ng mga panukala para sa economic at political amendments, dagdag niya. “Ako mismo nangangako ako sa inyo, hindi ako papayag na masingitan yan,” aniya.
Inulit rin ni Padilla ang kanyang hiling na pag-isipan ng mga Pilipino kung sino ang iboboto sa 2025 election, at piliin ang mga kandidatong bukas sa pag-amyenda sa Saligang Batas, para sa tunay na pagbabago.
“Ang pagbabago, magumpisa sa inyo. Magumpisa kayong maghalal ng hindi sikat o hindi kilala pero naniniwala sa Charter change,” aniya.
Samantala, iginiit din ni Padilla ang sibilisadong pagtugon sa tensyon sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at Tsina, na aniya’y major trading partner ng Pilipinas.
“We have to feed our people (but) if China will really invade us, dying for the country is the most beautiful thing in this entire life,” ayon sa mambabatas.
“So kailangan natin to be business-minded … pero pag in-invade nyo kami we are willing to die for our country (So we need to be business-minded… but if China invades us, we are willing to die for our country),” dagdag niya.
Hiling din ni Padilla na magkaroon ng masinsinang diskusyon sa ilang isyu tulad ng legalisasyon ng medical marijuana at ng diborsyo para protektahan ang pamilya, na parehong adbokasiya rin niya.
Umaasa rin siya sa mabilis na pagpasa ng Eddie Garcia Act, kung saan gagawa ng konsultasyon ang Senado sa 2024 para talakayin ang karapatan ng mga producer.
*****