Sa halip na mabuhay sa tsismis, matuto sana ang mga pulitiko ng disiplina at paggalang tulad ng ipinapakita ng Armed Forces of the Philippines.
Iginiit ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang hiling na ito sa kanyang pagdalo sa Camp Aguinaldo kung saan ginanap ang World Hijab Day nitong Huwebes ng hapon.
“Kung sana matututo ang ating mga pulitiko sa AFP na marunong sa paggalang at pakikiisa, hindi sana tayo nabubuhay sa tsismis. Ang pulitika natin puro tsismis na rin,” ani Padilla sa kanyang talumpati.
“(Sana rin), makuha ng pulitiko ang disiplina at professionalism. Sapagka’t ang pag-unlad ng bayan natin, mag-uumpisa sa paggalang at disiplina… Kung makuha lang natin ang disiplina na ito, darating ang araw tayong mga Pilipino di lang sa usapin ng hijab kundi lahat na aspeto ng kultura, lengwahe at tradisyon, uunlad tayo,” dagdag niya.
Muli ring isinulong ni Padilla ang pagpasa ng panukalang batas para sa paggunita ng National Hijab Day sa Pilipinas tuwing ika-1 ng Pebrero.
Aniya, natuwa siya nang malamang pinayagan ni AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr. ang kababaihan sa AFP na magsuot ng hijab, kung kaya’t hiniling niya sa ehekutibo na palakihin ang budget ng AFP para sa mga programa nitong makuha ang tiwala ng taumbayan, tulad ng pagsuot ng hijab.
“Hiling natin sa ating mga namumuno sa executive at legislative, mas lakihin pa budget ninyo hindi lang sa organization kundi sa sinusulong ninyo na ganitong bagay, winning the hearts and minds of the Filipino people,” aniya.
“Kaya sana po dumating ang panahon na mawala sa isip ng kapatid nating senador na ang mga Muslim ay ipinipilit nila yan. There is no compulsion in religion,” aniya.
*****
Video: