Ang People’s Initiative (PI) ay nananatiling isa sa mga wastong paraan para amyendahan ang 1987 Constitution, pero hindi ito maaaring tanggapin kung binaluktot ito.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes, sa gitna ng pagsisikap ng ilang grupo kamakailan para isulong ang PI – na may kasamang tanong kung magkasama o magkahiwalay dapat ang pagboto ng Senado at Kamara.
Sa panayam sa ANC, ani Padilla na naniniwala siyang ang tanong sa huling PI kung dapat magkasama o magkahiwalay ang pagboto ng Senado at Kamara ay labag sa Saligang Batas – kung kaya’t pinirmahan niya ang Senate manifesto na tumutol sa huling PI.
“Yung katanungan sa PI na yan dapat mamatay yan dahil yan labag sa Constitution. Pero ang PI, hindi dapat mamatay. Ang mismong PI dapat buhayin natin pero ang tanong, walang question yan, labag yan sa Constitution,” aniya.
“Kung meron tayong problema ngayon sa sinasagawang PI, huwag natin banatan ang PI. Ang banatan natin ang paraan kung paano ito ginawa. At ang paraan na ginawa nila ang tanong na binigay sa tao at ang pinirmahan ng tao, yan ang kinukwestyon natin,” dagdag ng mambabatas.
Ani Padilla, ang isyu ng magkasama o magkahiwalay na pagboto ay dapat maresolba ng 19th Congress bago nito matalakay ang ibang probisyon sa Saligang Batas.
“Kasi hindi matatapos ito, legal question ito. Pati judiciary, maraming comments. Kung ang comments ma-absorb nating lahat ang gulo gulo na. Kaya pwede sana magkaroon tayo ng itong Congress na ito ang 19th Congress matapos ang usaping ito at magkaroon ng finality kung ano ang nasa Art 17 Sec 1 na yan,” aniya.
Dagdag ni Padilla na tagapangulo ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes, iligal ang PI effort kung gamit nito ang pondo ng taumbayan. “Pag meron at ginamit ng pera ng bayan, malaking bawal,” aniya.
Ayon din sa kanya, bagama’t matagal na niyang adbokasiya ang unicameral form of government, hindi siya papayag sa huling PI na tangkang rebisahin ang Saligang Batas. Aniya, ang PI sa 1987 Constitution ay maaaring gamitin sa pag-amyenda lamang.
“Ang katanungan na binigay sa PI na ito, hindi amend; nire-revise ang Constitution dahil tinatanggal ng kapangyarihan ang Senado ang voting power,” aniya.
*****