Robin: Tapusin ang Word War sa Cha-Cha sa Pamamagitan ng Pagresolba sa Voting Issue

Maaaring tigilan na ng Senado at Kamara ang alitan sa pag-amyenda sa Saligang Batas sa pamamagitan ng pag-aksyon sa resolusyon ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na tutuldok sa isyu kung boboto ba ng magkasama o magkahiwalay ang Senado at Kamara sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.

Ani Padilla, ang kanyang Resolution of Both Houses 7 ay maaaring talakayin kasabay ng pagtalakay sa economic amendments sa Saligang Batas.

Sa RBH 7, aamyendahan ang Section 1 ng Article XVII (Amendments or Revisions) para magkahiwalay ang pagboto ng dalawang kapulungan.

“Kasabay po sana natin talakayin ang patungkol sa aking resolusyon na atin pong harapin na, ngayon na, itong patungkol sa voting separately. Sana po ay makasabay nito sa ating padinig patungkol sa pang ekonomiyang probisyon sapagka’t sa aking palagay ito na po ang panahon upang linawin natin kung ano man po ang nakaligtaan ng mga bumuo ng 1987 Constitution,” aniya sa kanyang privilege speech Lunes ng gabi.

“Tayo po ang maging daan upang malinawan, matigil ang kalituhan, at tayo ay magkaroon na ng katahimikan at di na maulit uli ang palitan ng salita, palitan ng mga press release sapagka’t ito lamang po ang solusyon… Yan na po ang magbibigay ng closure na talagang ang ating Saligang Batas,” dagdag niya.

Ani Padilla, na nalungkot sa palitan ng salita ng Senado at Kamara, nasabi ng constitutionalist sa pagdinig ng subcommittee on constitutional amendments kasama si dating Justice Vicente Mendoza ay pabor sa dalawang kapulungan na mag joint session pero boboto nang hiwalay.

Inulit niya na dapat tuldukan ang isyu na ito bago talakayin ang ibang aspeto ng Saligang Batas.

“Tayo na po ang mag-amyenda at ilagay na natin ang sinasabi ng mga expert sa batas kanina sa Saligang Batas sinasabi nila na nakaligtaan. Kaya po tayo ay nagsulong kanina upang amyendahan mismo upang matuldukan na po talaga ang kalituhang dulot ng probisyon na ito sa pamamagitan po yan ng isang resolution na aking ihinain kaninang umaga,” aniya.

*****