Isinulong ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang karapatan ng Pilipinas sa Sabah, sa pamamagitan ng pagdagdag ng isang probisyon sa panukalang Philippine Maritime Zones Act.
Tinanggap ng may-akda at sponsor ng panukalang batas na si Sen. Francis Tolentino ang mungkahi ni Padilla na idagdag ang isang linyang igingiit na hindi binabalewala ng Pilipinas ang karapatan nito sa Sabah.
“Ang hinihingi natin, magkaroon ng pantay na atensyon. Sapagka’t sovereignty itong claim natin sa Sabah, sovereignty. Hindi ko sinasabing awayin natin ang Malaysia. Ang sinasabi ko lang, dapat sa ating local laws, sa ating pansariling batas, dapat matibay ang ating panindigan na sa atin ang Sabah,” ani Padilla.
“Hindi ito maging kalabisan dahil tayo ay rasonable na tao rin naintindihan natin ano ang diplomasya, naintindihan natin relasyon ng dalawang bansa. Pero hindi yan dapat maging hadlang para magkaroon ng pansariling batas sa ating bayan,” dagdag nito.
Tinanggap ni Tolentino ang panukala ni Padilla na idagdag ang linyang: “All other laws, presidential decrees, executive orders, rules and regulations, proclamations, and other issuances, inconsistent with or contrary to provisions of this Act are deemed amended or repealed accordingly; provided that nothing in this Act shall be construed as repealing Section 2 of RA 5446 as amended, and Sec 2 of RA 9522.”
Nakapaloob sa RA 5446, na pinirmahan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1968, na kasama sa teritoryo ng Pilipinas ang Sabah.
Ani Padilla, hindi maaaring tahimik ang mga batas ng Pilipinas tungkol sa kalagayan ng Sabah bilang teritoryo nito, dahil ito ay may historical background kung saan may claim dito ang Pilipinas noong 1962.
Tiniyak naman ni Tolentino kay Padilla na hindi kailanman inaabandona ng Pilipinas ang claim nito sa Sabah kahit noong pumirma ito sa United Nations Convention on the Law of the Sea noong 1982.
“Even when we signed UNCLOS, we never gave up or abandoned our claims.. It has been there, it will remain there… it is part of our culture, the international agreement we entered into called UNCLOS…. Wala tayong inaabandona,” aniya.
*****
Video: