Landmark Legislation sa Medical Cannabis para Tiyaking Abot-Kamay ang Serbisyong Pangkalusugan Para sa Lahat, Isinulong ni Robin

“Leave no one behind. Walang maiiwanan.”

Iginiit ito nitong Miyerkules ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa kanyang pagsulong sa isang “landmark legislation” na pinapayagan ang access sa medical cannabis, para tiyakin na abot-kamay sa lahat na Pilipino – lalo ang mahihirap – ang serbisyong pangkalusugan.

Sa sponsorship speech niya sa Senate Bill 2573 (Cannabis Medicalization Act of the Philippines), ipinunto ni Padilla na maaaring maging abot-kayang alternatibo ang medical cannabis sa synthetic drugs – at wala pang side effects.

“Wala na po sigurong pangarap ang bawat isang miyembro ng lupon na ito bilang mga halal ng taumbayan kundi makitang ang bawat Pilipino ay may epektibo at pantay na access sa de-kalidad na serbisyong pangkalusugan. Ika nga po ng isinisigaw ng United Nations 2030 Agenda for Sustainable Development: Leave No One Behind. Sa wikang Filipino: Walang maiiwanan,” aniya.

“Napapanahon na po siguro upang dinggin natin ang hinaing ng mga magulang at pasyente na nagsusumamo upang maging legal na ang access sa lunas na kanilang lubhang kinakailangan,” dagdag niya.

Ani Padilla, naranasan na niya bilang action star at stuntman ang epekto ng kondisyon tulad ng undisplaced neck fracture, third-degree burn, broken ankle, at backbone injuries – kung saan may side effect ang synthetic drugs na inireseta ng mga duktor.

Isinama niya sa panukalang batas ang mga detalye galing sa kanyang study tour sa Israel kung saan niya nakita kung paano ipinatupad ng pamahalaan doon ang paggamit ng medical cannabis.

Sa ilalim ng panukalang batas, magkakaroon ng Philippine Medical Cannabis Authority (PMCA) sa ilalim ng Department of Health (DOH). Susundan nito ang sistema ng Israel Medical Cannabis Agency (IMCA) sa ilalim ng Israel Ministry of Health sa pag-isyu ng permit at lisensya para sa medical cannabis.

Gagawin ng PMCA ang a Comprehensive Cannabis Medicalization Plan; regulasyon para sa medical cannabis; monitoring at regulating system para sa medical cannabis; at mag-isyu ng lisensya para sa sa registered entities sa medical cannabis industry. Isusulong din nito ang research and development sa medical cannabis.

Itatayo rin ang Medical Cannabis Advisory Committee (MCAC) na pamumunuan ng DOH Secretary bilang ex-officio chairperson. Kabilang sa miyembro nito ang Chairman ng Dangerous Drugs Board (DDB), Directors-General ng FDA at PDEA, at kalihim ng Science and Technology at Agriculture.

Ang mga qualified patients ay mga na-diagnose na may “debilitating medical conditions” at maaaring tumanggap ng “therapeutic and palliative benefits” mula sa medical cannabis.

“Binibigyang-linaw po natin na ang medical cannabis ay complementary treatment na isasabay sa mga gamot na sadyang ginagamit na ng isang pasyente,” ani Padilla.

Kailangang mag-register ang pasyente sa PMCA para sa ID number at registry card na may QR code.

May safeguards para sa issuance and revocation of prescriptions.

Limitado ang listahan ng medical cannabis products na ile-legalize sa edibles, pills, oil, tincture, flower, topicals, at inhalers. May istriktong regulasyon para sa pag-import ng mga produktong ito.

Samantala, may mga electronic monitoring systems para sa cultivation ng cannabis.

Hindi pwedeng magbenta ang pasyente ng medical cannabis o gamitin ito na kasama ang “intoxicating and dangerous substances.” Hindi naman pwedeng mag-prescribe nito ang duktor na walang nararapat na lisensya.

“Ang inihahain pong batas ng inyong lingkod ay hango sa pag-aaral, pagsasaliksik, testimonya ng mga doktor at eksperto mula sa iba’t-ibang panig ng daigdig na may sapat na kaalaman at best practices sa pagpapatupad nito,” ani Padilla.

*****

Video: