Kurtesiya sa daan, disiplina at edukasyon para sa mga motorista at tsuper, at malinaw na pagtupad sa mga batas. Ito ang mga susi sa paglutas sa matinding trapik sa Metro Manila at sa ibang mga urbanized area sa bansa, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.
Ani Padilla, na nabuhayan ang loob na pinagtuunan na ng pansin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang problema, handa siyang tumulong sa pamamagitan ng karampatang panukalang batas.
“Ilang buwan na ring pinag-aaralan ng aking tanggapan ang pag-ayos ng transportasyon sa lupa. Kasama sa mga susi dito ang kurtesiya sa daan at edukasyon, disiplina ng mga motorista – na maaaring isama sa kurikulum ng Department of Education para sa Senior High School, para maagang matuto ang ating mga mamamayan bago mapasama sa ating workforce,” ani Padilla.
“Nabuhayan ako ng loob na binibigyang pansin ng ating Pangulo ang problemang ito. Ako ay handang sumuporta sa paglutas ng problema sa pamamagitan ng gawain sa lehislatura,” dagdag niya.
Ayon din kay Padilla, kailangang matiyak kung sino ang nararapat na gumamit ng pambansang daan, ano ang papel ng local government unit (LGU) at sino ang dapat magpatupad ng regulasyon sa trapik – kabilang ang “redefined” na Philippine National Police Highway Patrol Group.
Dagdag niya, mahalaga ring klaruhin at tukuyin ang sakop ng national highways, at kung anong regulasyon ang dapat ipatupad dito.
Ipinunto niya na marami na ang nasawi o naperwisyo dahil sa kakulangan ng kaalaman sa batas pangtrapiko – at marami sa mga trahedyang dulot nito ay maaari namang mapigilan.
Nakatakdang magkakaroon ng traffic summit nitong Miyerkules para alamin ang mga solusyon sa trapik sa Metro Manila. Kasama sa mga solusyon na pinag-aaralan dito ang pagiging halimbawa ng taga-pamahalaan sa pagsunod sa batas trapiko, at pagpapaunlad ng probinsyang malapit sa Metro Manila.
*****