Ang atin pong talakayan ngayong hapong ito ay ikatlo sa mga konsultasyon at pagdinig na aming isinagawa ngayong araw na ito. Sa aking paglilimi, mayroon po tayong iisang tema, at ito po ay pagtataguyod ng diwa ng demokrasya.
Ang unang pagpupulong ay patungkol sa ating pagpapanatili ng kalayaan sa pamamahayag habang ang ating katatapos lamang na pagdinig naman po ay naglayong dinggin ang opinyon ng ating mga kababayan pagdating sa pagpapatatag ng sistemang politikal sa ating pamahalaan.
Sa oras na ito, tayo po ay nagtitipon sa bulwagang ito upang magpalitan ng kuro-kuro, hindi po mag-away, magpalitan ng mga ideya sa mahalagang papel ng media pagdating sa pagpapalaganap ng mga impormasyon sa publiko sa oras ng krisis, maging sa loob man ito ng bansa o sa labas.
Bilang halal na opisyal ng taumbayan, hindi po ninyo maiaalis sa akin na mangamba sa mga pangyayari sa ibang mga estado na ngayon ay humaharap sa mga tungalian laban sa iba pang bansa. Ilan po dito ay ang tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine, Israel at Iran, gayundin po ang nagbabadyang krisis sa Dagat Kanluran ng Pilipinas.
Sa ganitong pagkakataon, nais po nating malaman kung ano ang ating magiging mensahe sa ating mga kababayan upang masigurong mayroong sapat na kaalaman ang lahat upang makagawa ng angkop na desisyon para sa kanilang mga buhay.
Sabi po ng namayapang si Ernie Baron, ‘knowledge is power’. Paano po tayo titindig, bilang bahagi ng broadcast media, upang bigyan ng kapangyarihan ang ating mga kababayan, sa pamamagitan ng totoo at angkop na impormasyon?
Sa hapong ito ay hangad po nating isulong ang malayang talakayan kasama ang ating mga minamahal at iginagalang na kinatawan ng mass media industry. Sa puntong ito, atin pong pormal na sinisimulan ang ating konsultasyon.
*****
Video: