Malaki ang papel ng media sa pagtulong ng gobyerno sa paghanda sa publiko para sa posibleng tunggalian.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Miyerkules matapos ang consultative meeting sa papel ng media sa pagpapakalat ng public information lalo sa panahon ng tunggalian.
Balak din ni Padilla, ang tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, na magkaroon ng konsultasyon para alamin ang papel ng social media sa ganitong panahon.
“Kaya itong pagpupulong na ito napakagandang message nito, na nasa likod ng taumbayan ang media. Siyempre ang taumbayan, ang gobyerno nasa likod ninyo. Aasahan namin inform nyo kami kung anong hakbang ninyo at ang pinakamaganda, kami ang kakampi ninyo para sa taumbayan kasi yan ang kailangan eh,” aniya sa pagpupulong na dinaluhan ng kinatawan ng pamahalaan at ng mga media outlet.
“Ang taumbayan natin kahit anong sabihin natin handa yan magtiis at makipaglaban pero in the end kailangan ng leader niyan at kailangan ang gobyerno sa kahit anong panahon, maramdaman ng tao na nandiyan ang gobyerno maging kalamidad o maging giyera man yan, kailangan nakatayo ang gobyerno para malakas ang loob ng ating taumbayan,” dagdag niya.
Hiling ni Padilla sa media na tiyaking kapayapaan pa rin ang mensahe nito sa oras ng tunggalian.
“Kapayapaan pa rin. Kasi wala tayong makukuha sa conflict. Di naman siguro mahirap yan gawin na kahit tayo sinasabi natin ready kami, pero nandoon pa rin lagi na ang Pilipino mahal natin ang kapayapaan,” aniya.
Samantala, balak ni Padilla na pulungin naman ang kinatawan ng social media outlets, matapos iginiit ng mga dumalo sa pagdinig na kailangang pigilan ang ilang social media personalities sa pagkalat ng hindi beripikado o “exaggerated” na impormasyon – at para na ring humanda laban sa panibagong banta tulad ng deepfakes.
“Sa susunod pupulungin namin ang social media,” aniya.
*****