Robin, 99% Tiyak na Hindi Mauuulit ang Nakaraang ‘Abuso’ sa Mandatory ROTC

Dahil sa pagiging propesyunal ng Armed Forces of the Philippines at sa mga batas laban sa hazing, 99 porsyentong tiyak si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na hindi mauuulit ang mga nakaraang “pang-aabuso” sa Mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) program, kung maging batas ito.

Iginiit ni Padilla, na sumusulong sa basic citizens’ military training, na ang ROTC ay hindi lang tungkol sa paghawak ng baril kundi sa pangdepensa sa sarili at pagtulong sa oras ng sakuna.

“Naniniwala ako 99% kasi lagi tayo nagbibigay ng 1% sa nakasulat sa kapalaran, pero 99% ako naniniwala ang ating AFP napaka-professional, at maha-handle nang tama ang pagsasagawa kung papasa ang mandatory ROTC training. At ito kailangan natin gawin ngayon na,” aniya sa panayam sa DWPM (Tekeradyo Serbisyo).

“Marami na tayong batas patungkol sa anti-hazing… Yan sinisigurado natin meron talagang karampatang parusa. At kahit sa PMA ngayon mahigpit ang PMA sa pagpatupad ng walang pagaabusong physical. Ganyan din sa training ng ating enlisted personnel pinagbabawal yan lalo sa kabataang papasok sa ROTC,” dagdag niya.

Ani Padilla, hindi tama na agad iugnay ang “hazing” at pang-aabuso sa ROTC, BCMC o military training dahil nangyari rin ito sa ibang organisasyon tulad ng ilang fraternity.

Iginiit din niya na sa halos dalawang taon niya bilang bahagi ng strategic communication ng Philippine Army at ang Civil Military Operations nito, nakita niya ang pagka-professional ng AFP kaya “napaka-imposible magkaroon ng pagpaulit ng experience ng ating henerasyon.”

“Sa totoo lang ilang beses ako gumagawa ng talumpati sinasabi ko sana dumating ang panahon magkaroon ng parehong disiplina ang pulitiko ng sa militar, ang chain of command at aksyon kaagad. Kung yan ang matututunan ng ating kabataan – aksyon kaagad at grandstanding ay isantabi – maganda po at matututunan ng kabataan sa military at darating sa ROTC. Aksyon kaagad at disiplina ang kailangan natin,” aniya.

Dagdag ng mambabatas, na reserve Lieutenant Colonel sa Philippine Army, sa ROTC rin matututunan hindi lang ang pagiging mandirigma kundi ang pag-maximize ng mga kakayahan tulad ng computer para makatulong sa bayan. Dahil dito, kahit ang may pisikal na kapansanan ay may maiaambag.

“Di kailangan gumapang o hawak ng baril. Ang kagalingan ng kabataan, pwedeng i-maximize (tulad ng) magaling sa computer, ang daming paraan. Di sinabing ROTC e puro sa pagiging mandirigma lang. Ide-develop natin ang ating mga kabataan,” aniya.

*****