Aksyon at disiplina – tulad ng natutunan ng mga 48 bagong reservist ng ating Sandatahang Lakas ng Pilipinas – ang susi tungo sa kalayaan laban sa kahirapan, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ngayong Araw ng Kalayaan 2024.
Iginiit ni Padilla na bagama’t malaya na ang Pilipinas mula sa dayuhan, hindi pa nakakalaya ang mga Pilipino mula sa kahirapan – at nais niyang dumating ang panahon na makamtan ang kalayaang ito.
Sa programa ng Araw ng Kalayaan sa Senado, ibinunyag din ni Padilla na balak ng asawa at anak niya na mag-Basic Citizens Military Course (BCMC), tulad ng training ng 48 bagong Navy reservists mula sa Senado.
“Ang atin pong pinagdiriwang ngayon ay ang ating kalayaan laban sa mga dayuhan. Pero hanggang sa mga oras na ito, hindi pa po tayo nakakalaya sa kahirapan. Kaya sana dumating ang panahon (na) makamtan natin ang kalayaan sa kahirapan,” aniya.
“Sana dumating ang panahon na magkaisa tayo patungo sa pagbabago. Yan kailangan natin, disiplina, makuha sa AFP sana lahat na Pilipino may ganitong training na nangyari,” dagdag niya.
Iginiit ni Padilla na isa sa mga susi para makamtan ang tunay na kalayaan mula sa kahirapan ang aksyon at pagbibigay ng serbisyo sa bayan.
Aniya, hindi libre ang kalayaan dahil ito ay pinaglalaban.
“Walang libre sa mundo. Ang kalayaan na yan pinaglalaban yan… Kung wala sa puso mo ang pagibig mo sa bayan di mo gagawin yan,” aniya.
Muli niyang iginiit na ang kanyang isinusulong na Basic Civilian Military Course (BCMC) at Reserve Officers Training Corps (ROTC) training ay hindi para sa giyera kundi paghahanda para sa pagsilbi.
“Paano natin pagtatanggol (ang ating kalayaan)? Giyera ba yan? Hindi. Ang pinaguusapan pagseserbisyo natin, kailangan serbisyo sa bayan totoo,” aniya.
Iginiit ni Padilla na sana dumating ang panahon na hindi tuturingin ng mga Pilipino ang military training na mahirap, kundi “kaya.”
“Sana dumating ang panahon ang military training huwag natin isiping mahirap. Nakita ko sa inyo nahirapan kayo pero lahat na sinabi nyo sa dulo kaya, walang nagsabing di kaya,” aniya.