Robin, Pinuri ang PPA sa ‘Groundbreaking’ Port Improvement Project sa Camarines Norte

Pinuri nitong Miyerkules ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang Philippine Ports Authority (PPA) sa groundbreaking nito para sa port improvement project sa bayan ng Jose Panganiban sa probinsya niyang Camarines Norte.

Umaasa si Padilla na maging tulay ang proyekto para maisulong ang pag-unlad sa probinsya – at tulungang maibsan nang tuluyan ang rebelyon.

“Maraming nagsasabi, bakit maraming rebelde diyan? Paanong hindi dadami ang rebelde, nakakalimutan kami ng national government. Pag Bicol ang pinaguusapan naiiwan kami,” aniya.

Dagdag ni Padilla, ang PPA ang unang ahensya ng pambansang pamahalaan na tumupad sa pangako nitong tumulong sa probinsya na ma-develop ang port nito.

Umaasa ang mambabatas na ito ang magiging una sa maraming proyektong tutulong sa ekonomiya ng Camarines Norte, kasama ang Jose Panganiban.

“Ito ang umpisa ng napakaraming proyektong dadapo sa Camarines Norte at Jose Panganiban,” aniya.

Nanawagan din si Padilla sa lokal na pulitiko sa probinsya na tulungan ang kapatid niyang si Gov. Ricarte Padilla, para paunlarin ang buhay ng mga taga-probinsya.

Pinangunahan ni PPA General Manager Jay Santiago ang groundbreaking para sa Jose Panganiban Port Improvement Project sa Camarines Norte, at saksi rito ang senador at ang gobernador.

Ayon naman kay Gov. Padilla, may mga kausap siyang locators sa Subic na pinag-iisipang lumipat sa ibang lugar kasama ang Camarines Norte.

*****