Ang pagbitiw ni Vice President Sara Duterte bilang Kalihim ng Department of Education ay para protektahan ang interes ng mga Pilipino, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla Lunes ng gabi.
Iginiit ni Padilla na naniniwala siyang nais ni VP Duterte na tiyaking hindi maapektuhan ng diumano’y hidwaan ng kanyang pamilya at ang pamilya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang bayan.
“Nakikita ko as a leader, kumbaga oops, hindi dapat maapektuhan ang interest ng Pilipino sa personal, kung meron mang hidwaan sa dalawang pamilya,” aniya.
Dagdag ni Padilla, hindi siya nabigla sa pagbitiw ni VP Duterte sa DepEd. “Sa pagkakilala ko kay Inday, kay VP Sara, inaantay ko na yan,” aniya.
Ayon sa kanya, suportado niya ang Bise Presidente dahil sinuportahan niya siya nang tumakbo siya para sa Senado sa ilalim ng UniTeam.
“Hindi dapat maapektuhan ang taumbayan at nakita ko yan ang ginawa ni Maam VP. Yan ang nakita ko para okay ang bansa natin,” aniya.
*****