Upang mapigilan ang banta sa kalusugan lalo na sa kabataan, isinulong ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang pag-amyenda sa Vape Law (RA 11900) para hatawan ng mahigpit na parusa sa paggamit ng bagong hexahydrocannabinol (HHC) vape.
Ihinain ni Padilla ang Senate Bill 2729, kung saan niya ipinunto na ang HHC ay semi-synthetic cannabinoid na maaaring magdulot ng “anxiety and paranoia.”
“With the growing popularity of vaping among Filipinos, especially young people, this representation believes that RA 11900 must also be specific in its penalties for those who will attempt to import, manufacture, sell, package, distribute, and use HHC vapes” aniya.
Dagdag ni Padilla, bagama’t ang RA 11900 ay naging batas noong 2021 para i-regulate ang vaporized nicotine at non-nicotine at novel tobacco products, hindi pa dito kasali ang bagong HHC vape.
Sa kanyang panukalang batas, nais ni Padilla na palawakin ang RA 11900 para tiyakin na bawal sa vapor product ang HHC “regardless of its quantity.”
May mahigpit na parusa para sa manufacturer, importer, distributor, retailer at consumer base sa RA 9165, o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
*****