Kailangang gawing prayoridad lalo ng mga mambabatas ang pagtiyak na hindi magiging hadlang ang 1987 Constitution sa paglago ng ekonomiya, lalo na para sa mga darating na taon, ayon sa isang constitutional reform advocate ngayong Biyernes.
Ayon kay Ateneo de Manila Law School Professor Antonio Abad Jr., ang pag-ayos ng mga probisyon sa Saligang Batas ay hindi lang para sa kasalukuyang henerasyon kundi para sa mga darating na henerasyon.
“Ang pag-ayos ng Saligang Batas siguro ang No. 1 priority natin. Ang Saligang Batas is the highest law of the land – so kung leader ka, kung senator ka, this should be your priority… ito dapat ang priority. Dito manggagaling ang ulam, kanin at sibuyas,” ani Abad sa panayam sa DZEC.
Nagpahayag ng suporta si Abad sa Resolution of Both Houses No. 3 ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, na nais amyendahan ang ilang economic provisions sa Saligang Batas sa pamamagitan ng constituent assembly, kung saan boboto nang hiwalay ang Senado at Kamara.
“Sang-ayon ako sa resolusyon na gawa ni Sen. Robin Padilla at sa mga ginagawa na resolusyon at effort sa House of Representatives na kailangan talaga ayusin ang ating Saligang Batas. Tama si Sen. Padilla na masyadong mahigpit ang economic provisions sa ating Saligang Batas kaya naiwan tayo sa economic development especially sa Southeast Asia,” ani Abad.
“Ang Saligang Batas hindi lang para sa pulitiko. Ito ay pag-aari ng taumbayan. Lahat tayo ay may stake. We are all stakeholders in our Constitution,” dagdag niya.
Hindi sang-ayon si Abad na hindi na raw kailangang baguhin ang probisyon sa Saligang Batas dahil may mga batas na tulad ng Public Service Act.
Ayon kay Abad, bagama’t nagbunga ang Public Service Act ng investment sa ilang sektor, kailangan pa ring siguraduhin na matitiyak ng Saligang Batas ang paglago ng ekonomiya sa susunod na henerasyon.
“Itong Saligang Batas para sa ating future generation yan. You want a Constitution that will last the next 100, 1,000 years. So ayusin ang Constitution ngayon para sa ating future generations,” aniya.
Dagdag ni Abad, ang mga alituntunin sa pag-invest ay dapat sa batas at hindi sa Saligang Batas. Aniya, may 60-40 restriction sa foreign investments ang ating Saligang Batas samantalang ang ibang bansa sa Southeast Asia tulad ng Myanmar, na nakaakit ng malaking foreign investments, ay walang ganitong restriction.
“Pag nakita ng investor sa Saligang Batas natin na may provision na nagsasabing hindi ka pwede mag-invest, hindi sila pupunta rito at pupunta sila sa ibang bansa tulad ng Vietnam,” aniya.