Iginiit muli nitong Linggo ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang buong suporta nito kay Sen. Francis Tolentino at sa pagpasa ng batas para sa mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC).
Sa kanyang talumpati sa pagbukas ng Luzon Qualifying Leg ng ROTC Games 2024 sa Cavite, tiniyak din ni Padilla na walang hidwaan sa pagitan niya at ni Tolentino sa usaping pulitika.
“Hangga’t bingi ang Kongreso sa itinutulak ni Sen. Tolentino na mandatory ROTC training, laging malulungkot ang ating bansa sapagka’t alam nyo ang ating kabataan sa Konstitusyon yan, malinaw, na dapat ang mga Pilipino handa sa anuman lalo sa pag-ibig di puro giyera,” aniya.
Masugid na tagasuporta ng mandatory ROTC si Padilla, na isang reserve Lt. Col. sa Philippine Army. Aniya, kailangan ito para maging handa ang kabataan hindi lamang sa digmaan kundi sa pagtulong sa oras ng sakuna.
Iginiit din ni Padilla na walang hidwaan sa pagitan niya at ni Tolentino, na pinayuhan niyang bumitiw bilang opisyal at kasapi ng Partido Demokratiko Pilipino kung saan presidente si Padilla, para matutukan ang trabaho nito bilang Senate majority leader.
“Alam nyo, magkaibigan kaming totoo. Pagka nagbasa kayo ng dyaryo, manood ng social media, pinag-aaway kaming dalawa. Huwag kayong maniwala doon. Dahil ako sasabihin ko sa inyo, kung may isang tunay na senador sa Senado yan ho ay si Sen. Tol Tolentino,” aniya.
“Hindi ako nangangampanya. Sinisigurado ko sa inyo magiging maganda ang kinabukasan ng Pilipinas kay Francis Tol Tolentino,” dagdag niya.
Sa mga kabataang sumali sa ROTC Games, hinimok ni Padilla na dapat nilang alalahaning ang mga Pilipino ay “hindi tuta” ng kahit na sino, dahil ang Pilipinas ay malayang bansa.
Muli niyang idiniin na kailangan ang ROTC para ipagtanggol ang kalayaan, at hindi lang ang galing sa keyboard at social media.
“Kilala tayo na mapagmahal, kilala tayong matapang. wala na tayong patunayan… Isa lang ang problema. Hindi tayo united. Yan ang problema. At yan matututunan natin sa ROTC (na) lahat tayo nasa isang bandila,” aniya.
Pinayuhan din niya ang mga kabataang nag-ROTC na maging “ambassador” sa ibang myembro ng Kongreso, para maging batas ang mandatory ROTC.
*****
Video: