Naghain nitong Lunes si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ng petisyon sa Korte Suprema para resolbahin ang isang mahalagang isyu sa pag-amyenda sa 1987 Constitution: kung dapat magkasama o magkahiwalay bang boboto ang miyembro ng Senado at Kamara.
Ihinain ni Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, ang instant petition na humihingi ng declaratory relief tungkol sa Sec. 1 at 3 ng Art. XVII ng Konstitusyon.
Hiningi ng petisyon ang “authoritative declaration” ng Supreme Court sa mga sumusunod na isyu:
* Kung ang Senado at Kamara ay dapat mag “jointly convene” bilang constituent assembly kung tatalakay ng pag-amyenda o pag-rebisa sa Saligang Batas sa ilalim ng Sec. 1(1), Art. XVII nito;
* Kung voting jointly, ang 3/4 sa ilalim ng Sec. 1(1) ba ay 3/4 vote ng Senado at 3/4 vote ng Kamara; o 3/4 vote ng 24 senador at lahat ng myembro ng Kamara;
* Kung ang Senado at Kamara ay dapat mag “jointly convene and assemble” kung nagtatawag ng Constitutional Convention at/o pag-submit sa electorate ang pagtawag ng ganitong convention;
* Kung voting jointly, ang requirement na 2/3 vote sa ilalim ng Sec. 3, Art. XVII, ay 2/3 vote sa Senado plus 2/3 vote sa Kamara; or 2/3 vote ng 24 senador at miyembro ng Kamara;
* Kung voting jointly, ang “majority vote” sa Sec. 3, Art. XVII ba ay majority vote sa Senado plus majority vote sa Kamara; o majority vote ng 24 senador kasama ang miyembro ng Kamara.
Ani Padilla, na siyang pumirma at naghain ng petisyon, hindi niya magampanan ang tungkulin niya bilang tagapangulo ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes dahil sa kulang ng kalinawan sa mga nabanggit na probisyon.
Dagdag niya, ang Korte Suprema ang may kapangyarihan para tugunan ang “existing actual controversy” na aniya’y question of law “as it ruminates on the proper application and interpretation of Constitutional provisions.”
Ipinunto rin ni Padilla ang mga ulat kung saan sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na natugunan ang “storm” kung paano amyendahan ang Saligang Batas, dahil sa kanyang pamamagitan.
“As we have witnessed, the leadership of the Executive Branch and the Legislative Branch have come together to address these issues. These two branches, however, on their own, cannot resolve these constitutional issues by themselves,” ani Padilla.
“Without the Honorable Court’s declarative pronouncements, these questions, as well as the unstable relations between the two Houses of Congress, shall persist,” dagdag niya.
Ayon din kay Padilla, marami nang resolusyon na nagmungkahing amyendahan ang probisyon sa Saligang Batas, pero hanggang nayon ay “pending” pa rin sila sa mga komite nila.
“Neither the Senate nor the House of Representatives wants to give in to the other’s interpretation… In other words, the same misinterpretations caused by the ambiguities, which Congress seeks to resolve, are preventing all of its efforts to resolve the controversy,” ani Padilla.
Naibigay na rin ang kopya ng petisyon ni Padilla sa Office of the Solicitor General; Senate President Francis Joseph Escudero; at House Speaker Martin Romualdez.
*****