Sen. Robin, Nais Malaman ang Paghahanda para sa Epekto ng Tensyon sa Middle East

Nais malaman ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang mga paghahanda ng pamahalaan para sa magiging epekto ng tensyon sa Gitnang Silangan, kabilang sa Israel, Lebanon at Iran.

Sa kanyang manipestasyon sa Senado nitong Miyerkules, nagpahayag ng pag-aalala si Padilla na maaapektuhan ang mga Pilipinong nakatira at nagtatrabaho sa mga bansa doon.

“Nagsasalita po ang inyong lingkod sapagkat hindi po natin ito dapat ipagsawalang bahala. Nangangamba po tayo na baka na naman tayo mabulaga sa matinding epekto nito sa ating bansa sa usapin ng seguridad at ekonomiya,” aniya.

“Hangad po natin na marinig sa ating mga ahensya na mayroon tayong sapat na preparasyon para sa usaping ito. Sapagka’t naniniwala tayo na itong ganitong bagay pag di naayos kaagad ito ay lalawak,” dagdag niya.

Ani Padilla, hindi biro ang mga pangyayari kabilang ang pagpaslang sa Hamas political chief na si Ismail Haniyeh sa Iran kung saan nagbigay ng pahayag ang pamahalaan ng Iran tungkol sa pagganti nila sa Israel, na pinaghihinalaan po nilang nasa likod ng asasinasyon.

Dahil dito, dapat malaman sa ating ehekutibo kung ano ang paghahanda na isinasagawa para sa magiging epekto po ng tensyong ito.

“Hindi naman po sa pananakot, ngunit hindi po biro ang pangyayaring ito, sapagkat libo-libong milya man ang layo nila sa ating bansa, hindi po nangangahulugan na wala itong magiging epekto sa ating mga Pilipino,” ani Padilla.

“Paano nito maapektuhan ang ating ekonomiya? Ang stock market sa US ay nagbabagsakan, sa Japan bumagsak na rin. Sa atin kahapon nakakita tayo ng senyales na pabagsak. Paano kung lumaki ang krisis na ito? Paano po ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFW)? Secured na po ba ang lahat sa mga conflict areas na ito?” dagdag niya.

Tinanong din ni Padilla kung handa ang pamahalaan para sa epekto ng pagtataas ng Alert Level sa Lebanon, kasama ang paglikas ng ating mga kababayan doon.

*****