Sen. Robin, Nais Imbestigahan ang Pagpapatupad ng Batas vs Dangerous Drugs

Nais ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na imbestigahan ang pagpapatupad ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, para matugunan ang mga “policy gaps” nito at para matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan laban sa ipinagbabawal na gamot.

Ihinain ni Padilla nitong Lunes ang Senate Resolution 1131, na inaatasan ang Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na gawin ang imbestigasyon “in aid of legislation.”

Sa kanyang resolusyon, nangamba si Padilla sa ibinunyag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA), na 440 mula sa 6,000 na inarestong high-value targets ay emplyeado ng gobyerno. Mula sa 440 na ito, 42 ay uniformed personnel at 77 ay halal na opisyal.

“It is alarming that more than 7% of the total number of high-value targets is composed of government employees, thereby underscoring the need to ensure that government offices, occupied by those most expected to adhere to the law, are truly drug-free workplaces,” aniya.

Dagdag niya, sa isang pagdinig sa Senado, nadiskubre na dalawang klaseng droga lang ang sakop ng compulsory drug tests ng gobyerno – “showing an inadequacy in the requirement as well as a loophole in the implementation of the law.”

Diin ni Padilla, na sumusulong sa legalization ng medical cannabis, dapat ay base sa agham at ebidensya ang pagsiyasat.

*****