Resolusyon ni Sen. Robin, Hangad Tugunin ang Kakulangan ng Shari’a Judges

Upang tugunin ang kakulangan ng bilang ng mga Shari’ah judges lalo na sa labas ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), naghain ng resolusyon si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla para amyendahan ang probisyon ng Saligang Batas na naglalatag ng requirement para sa huwes ng mababang korte.

Ihinain ni Padilla ang Resolution of Both Houses 10, na nagmumungkahi na magboto nang hiwalay ang miyembro ng Senado at Kamara para amyendahan ang Sec. 7, Art. VIII (Judicial Department) ng 1987 Constitution.

Sa Resolution of Both Houses, inaamyendahan ang probisyon upang hindi na kinakailangan ang membership to the Philippine Bar para sa mga
Shari’ah judges.

“Personal accounts of our Muslim brothers and sisters indicate difficulties in accessing these courts due to geographical location, prompting Congress to pass a law to create additional Shari’a judicial districts and circuit courts outside of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM),” ani Padilla sa resolusyon niya.

“Filling the vacant positions in Shari’a courts is also a persistent problem for our Muslim brothers and sisters due to the restrictions set forth by the Constitution,” dagdag niya.

Ipinunto rin ni Padilla na natalakay sa 2nd Philippine Congress-Bangsamoro Parliament Forum (PCBPF) meeting noong Agosto 2023 ang isyu ng kahirapan na mapunuan ang bakanteng pwesto sa Shari’ah court dahil sa mga requirement.

*****