Sen. Robin: Nov. 7, Gawing Working Holiday Para Gunitain ang Simula ng Islam sa Pilipinas

Itinulak ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla na gawing working holiday ang Nobyembre 7 ng bawa’t taon – o Sheikh Karimul Makhdum Day – upang gunitain ang pagtatatag ng Islam sa Pilipinas.

Sa kanyang sponsorship speech para sa Committee Report 238 ng Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs, ipinunto ni Padilla na ang Nobyembre 7 ang petsa ng pagtatag ng unang mosque sa Pilipinas.

“Hindi po natin maikakaila ang makabuluhang kontribusyon ng ating mga ninunong Muslim sa pagpapayaman at pagpapasigla ng kultura at sibilisasyong ng ating minamahal na Inang Bayan – isang bagay na ating kinikilala at ipinagmamalaki sa ating kontemporaryong panahon,” ani Padilla, isang Muslim at tagapangulo ng nasabing komite.

“Nakaukit po sa ating mayamang kasaysayan na bago pa lamang ang pagpasok ng Kristiyanismo hatid ng mga dayuhang Kastila noong 1521, matagal na pong nananahan ang mga Moro at matagal nang lumaganap ang Islam sa iba’t-ibang bahagi ng ating kapuluan,” dagdag niya.

Ani Padilla, ang panukalang ito ay inihain ni dating Senador at ngayo’y Department of Education Secretary Juan Edgardo Angara.

Ipinunto rin niya na sa bisa ng Muslim Mindanao Act No. 17 of 1991 at Executive Order No. 40, idineklara ang ika-7 ng Nobyembre bilang special public holiday sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Bagkus, nais niya na palakasin ang “national awareness” sa Islam at kultura ng Muslim – at “pahalagahan ang kontribusyon ng pananampalatayang Islam bilang bahagi ng ating pagka-Pilipino.”

Dagdag ni Padilla, ito ay katulad ng ibang pagkilala na iginawad natin sa mga araw tulad ng National Baptist Day, National Bible Day, at iba pa bilang special working holidays.

“Ang amin pong panalangin: nawa ay mabigyang katuparan ng ika-19 na Kongreso ang ating hinihiling na pagkilala sa ika-7 ng Nobyembre bilang araw ng pagtatatag ng unang mosque at pagpapalaganap ng Islam sa Pilipinas,” aniya.

*****

Video: https://www.youtube.com/watch?v=lXKLA8dNXs0