Ang tulong na ipinakita ng Pilipinas sa mga Afghan refugee – na payagan ang limitadong bilang ng Afghan nationals na magtungo sa Pilipinas habang pinoproseso ang kanilang Special Immigrant Visas – ay patunay ng pagiging mahabagin at makatao ng mga Pilipino.
Iginiit ito ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla Miyerkules ng gabi, sa kanyang manipestasyon tungkol sa bagay na ito.
“Sa atin pong kasaysayan, alam naman po natin na naging bukas na rin ang ating bansa sa mga migrants at refugees mula sa iba’t-ibang bansa noon pang 1900s,” ani Padilla.
“Hindi po ito nakapagtataka sapagkat likas ang magiging mahabagin at matulungin nating mga Pilipino. Sang-ayon din po ito sa naunang polisiya noon ng dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na nagwikang: ‘We are actually a nation composed of many refugees,’ noong inagurasyon po ng Philippine Refugee Processing Centre (PRPC) noong Enero 1980,” dagdag niya.
Giit ni Padilla, kabilang ang Pilipinas sa Coalition of the Willing, at may malinaw na polisiya sa laban sa terorismo – nguni’t ang turing ng Pilipinas sa mga refugees ay allies, hindi kalaban.
Noong 2023, nagpahayag si Padilla ng suporta sa pagbubukas ng ating mga borders para po sa mga refugees na naghahanap ng pansamantalang tahanan.
“Ang mga terorista at extremists po ang ating kalaban tulad ng Taliban. Ang mga refugees po na ating pinagbubuksan ay siya ring mga lumaban sa mga terorista at extremists sa Afghanistan,” aniya.
Nanawagan din si Padilla na maging mas maluwag ang pamahalaan sa pagpayag na manahan ang Palestinian na may asawang Pilipino na nare-repatriate dahil sa kaguluhan sa Gaza.
Ayon sa isang opisyal ng DFA, “bilang mga asawa ng Filipina, may karapatan sila na makasama sa kanilang mga mahal sa buhay, at bigyan ng visa para makarating sa Pilipinas,” dagdag niya.
“Nawa po ay mamutawi ang ating damdaming mahabagin at makatao,” aniya.
*****
Video: https://www.youtube.com/watch?v=2FE5JxbM_yA