Nakakalap ng mga panukala nitong Miyerkules si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla at ang kanyang Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes para palakasin ang Saligang Batas, kasama ang pagpapaigting ng depensa natin laban sa banta ng pagsalakay o rebelyon.
Sa ikalimang pagdinig ng kumite, nagbigay ng mga pananaw sina Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile; human rights lawyer Neri Colmenares; Demosthenes Donato ng Tanggulang Demokrasya Inc.; at Professor Malou Tiquia ng Publicus Asia.
“Ang araw na ito ay kontrobersyal. Itong araw merong nagse-celebrate, may ibang klase rin ang selebrasyon. Hihingin natin ang opinyon ninyo katulad ng opinyon at paglalahad na binigay sa atin kanina (ni dating Sen. Enrile),” ani Padilla kina Colmenares, Donato at Tiquia sa pagdinig, matapos pakinggan ang opinyon ni Enrile.
Tukoy ni Padilla ang ika-50 anibersaryo ng padeklara ng Martial Law noong 1972, na sinuportahan ni Enrile at binatikos ni Colmenares.
Nguni’t idiniin ng mambabatas na hindi debate ang pagdinig kundi pagpalit ng mungkahi ng bawa’t isa kung saan madadagdagan ang kaalaman ng sambayanan.
“Hindi ito debate, hindi tayo nagdedebate. Karamihan sa debate alam natin natutunan ng ating kababayan. Mas maganda ang mungkahi ng bawa’t isa. Kailangan natin marespeto ang mungkahi ng bawa’t isa. Ang sinasabi ng bawa’t isa ay kaalaman. Kaya pinipilit natin mag-Tagalog tayo, sapagka’t sa panahon natin nabanggit ng bawa’t isa napakahalaga ng impormasyon na maintindihan ng ating kababayan,” ani Padilla.
Sa kanyang pagbigay ng opinyon sa pagdinig, sinabi ni Enrile na mas mainam na ibalik ang ilang probisyon ng 1935 o 1973 Constitution, kung saan maaaring magdeklara ang Pangulo ng martial law kung may “imminent threat” ng pagsalakay, insureksyon o rebelyon – hindi tulad ng Sec. 18, Art. VII ng 1987 Constitution na maaaring ideklara ang martial law kung nangyayari na ang mga ito.
“Aanhin mo ang damo kung patay na ang kabayo?” ayon kay Enrile.
Inimungkahi rin ni Enrile na klaruhin ang probisyon ng Saligang Batas sa pagboto ng Mataas at Mababang Kapulungan ng Kongreso – na gawing hiwalay ang kanilang pagboto. “Let us decide separately on any national issue of grave import. It cannot be joint voting, magiging minority ang Senado. That is part of the checks and balances of the Constitution if you do not know it yet,” aniya.
“They must be separated but coordinated,” ani Enrile.
Sa pagtalaga ng huwes at myembro ng hudikatura, pabor si Enrile na ibalik ang sistema kung saan lahat na presidential appointees ay subject to confirmation, para matiyak ng Kongreso ang “accountability” lalo na sa pondo ng taumbayan.
“Palagay ko, having been a participant of the government under the 1935, 1973 and 1987 and all Constitutions of the Philippines… I’d rather we go back to the system under the 1935 Constitution,” dagdag niya.
Ayon naman kay Colmenares, hindi siya sang-ayon na ang pederalismo ay garantiya ng pag-unlad. Ihinalimbawa niya ang sistema sa Somalia, na isa sa pinakamahirap na bansa sa mundo. “Look at Somalia, Somalia is federal,” aniya.
Sa kanyang presentasyon, ibinahagi ni Colmenares ang mga dahilan kung bakit hindi nagtagumpay ang mga sumubok na itulak ang Charter Change, kabilang na rito ang mga pasimpleng pagsisingit ng mga probisyon na may personal na interes ng mga mambabatas.
“Ang ating kahirapan ngayon ay hindi nagmula sa Konstitusyon. Kaya ang pag-amyenda sa kanya ay hindi solusyon,” aniya.
Samantala, idiniin ni Tiquia na kailangang tiyakin na ang pag-unlad ng bansa ay sa lahat na lugar, hindi lang sa Luzon o Metro Manila.
“Hindi lahat ang dapat mangyari sa bansa natin dahil sa Luzon o Metro Manila dahil ang utang ng bayan, Muslim ang nagbabayad, Bisaya ang nagbabayad,” ani Tiquia.
“Hindi dahil lahat na development nasa Luzon, equal na ang ating bansa. Mahirap yan… Kaya kami nandito, gusto natin ipagpatuloy ano ang solusyon sa ating problema at ang solusyon na yan ay systemic,” dagdag niya.