Makakatanggap na ng tulong ang mga biktima ng terorismo tulad ng pagbomba sa Mindanao State University (MSU) sa Marawi City, kung maging batas ang panukala ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.
Ihinain ni Padilla ang Senate Bill 2511, na magtatayo ng programang magbibigay ng ganitong tulong sa mga biktima at sa pamilya ng mga namatay, sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“In most cases, if not all, victims of these evil acts who suffered injuries and families of those who were killed during terror attacks are left on their own with mounting expenses, such as but not limited to: medical, burial, transportation, and even long-term rehabilitation,” ani Padilla sa kanyang panukalang batas.
Sa panukalang “Terror Victims Assistance Act of 2023,” magbibigay ang estado ng financial, material, psychosocial at referral support and services sa mga biktima ng terorismo; at titiyakin ang mabilis na paghatid ng suporta.
Kabilang sa “assistance” ang pinansyal, panlibing, materyal, medikal, psychosocial support, at rehabilitasyon.
Ang Terror Victims Assistance Program (TVAP) ay itatayo na programa ng pamahalaan sa pamamagitan ng DSWD. Ang benepisyaryo nito ay kinabibilangan ng kamaganak ng mga namatay; at ang mga nasugatan.
Manggagaling sa taunang badyet ang pondo para rito.
*****