Balak pigilan ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla ang paglaganap ng pagsusugal lalo na sa kabataan, sa pamamagitan ng panukalang batas na papataw ng parusa sa paglathala at pagsulong nito sa internet at social media.
Sa Senate Bill 2602, ipinunto ni Padilla na naiugnay ang pagsusugal sa maraming problema tulad ng adiksyon, krimen, at “social issues” na maaaring sumira sa “moral fiber” ng bayan.
“Considering the evolving landscape of social media platforms, this representation has been apprised of the availability of online user-generated content relating to gambling that demonstrates, promotes and provides instructions on betting or staking to the general public,” aniya.
“In this regard, this representation proposes the prohibition of online publication of materials that instruct or demonstrate gambling, commentaries and advertisements that promote awareness of gambling activities,” dagdag niya.
Ani Padilla, na tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, layunin ng panukala niya ang bawasan ang pagkakalantad ng pagsusugal lalo sa kabataan.
Sa kanyang panukalang batas, maglalabas ang Department of Justice ng disabling order para harangan ang online content na sumusulong sa pagsusugal. Inaatasan ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Telecommunications Commission (NTC) na mag-monitor ang pagsunod sa utos ng DOJ.
Kailangang sumunod sa utos ang service providers sa loob ng 48 oras ng pag-isyu ng utos.
Ang mga naglathala o nagsulong ng gambling materials online ay makukulong ng hanggang isang taon; o mumultahin ng hanggang P500,000.
Kung ang materyales ay naidugtong sa online gambling site, o kung ang gumawa nito ay nakatanggap ng komisyon para ilathala ang materyales, maaari siyang makulong ng hanggang tatlong taon o magkaroon ng multa ng hanggang P500,000.
*****