Iginuhit ang kalayaan natin dahil sa malayang pamamahayag, gawa ng “Noli Me Tangere,” “El Filibusterismo,” at “La Solidaridad.” Hindi kailanman nakatulong dito ang pagkalat ng “fake news.”
Ating ipinagdiriwang ngayon ang World Press Freedom Day, kung saan natin ginugunita ang kahalagahan ng kalayaan sa pamamahayag sa ating kalayaan, at sa ating demokrasya. Kung wala ang kalayaan sa pamamahayag, hindi tayo makahubog ng tamang hakbang base sa wastong opinyon at impormasyon.
Nakalulungkot na hanggang sa ngayon, binabantaan pa rin ang kalayaan sa pamamahayag. Nariyan pa rin ang disinformation at fake news na nanlilinlang sa atin.
Ito ang sinisikap kong tugunan bilang tagapangulo ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas upang maparusahan ang pagkakalat habang iginagalang ang karapatan sa pamamahayag ng bawat Pilipino na nakasaad sa ating Saligang Batas.
Ang ating kolektibong mithiin — ang dumating ang araw na responsable nating maipatupad ang kalayaan sa pamamahayag, at tuluyang maiwaksi ang pagkalat ng maling impormasyon sa lahat ng plataporma.