Isang malaking kawalan sa public information ang nalalapit na pagsara ng CNN Philippines, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla.
Ani Padilla, na tagapangulo ng Senate committee on public information and mass media, nangyari ang pagkawala ng CNN Philippines sa gitna ng pamumulitika sa bayan.
“Bayan ko. Sa kalagitnaan ng politicking sa lahat ng sulok, ito po ang magaganap sa public information,” aniya.
“O Allah, patawarin mo ako sa aking mga nakaraang pagkakamali at gabayan mo ako patungo sa tamang landas. O Allah, forgive me for my past mistakes and guide me towards the right path,” dagdag ng mambabatas.
Matagal nang nanawagan si Padilla sa media industry na tumulong sa pagpuksa ng fake news.
Nitong Lunes, inanunsyo ng CNN Philippines na titigil na sila ng pag-operate sa lahat na media platforms nito sa Miyerkules, Enero 31.
Sa mga social media accounts nito, nagpasalamat ito sa manonood, partner at staff na nakasama nito sa nakaraang siyam na taon.
*****