Ginoong Tagapangulo, sa mga kagalang-galang na miyembro ng lupon na ito, tumitindig po ako sa pulpitong ito sa bisa ng kolektibo at personal na pribilehiyo na iginawad sa inyong abang lingkod ng mamamayang Pilipino.
Napakainit po, masalimuot, at mapanghati – ganito po ang aking paglalarawan sa mga pangyayaring bumalot at nangingibabaw sa mga ulo ng mga balita sa ating bayan nitong mga nakalipas na linggo at hanggang ngayon pong kasalukuyan.
Mabuti na lamang po at may magandang balita na nangyayari dito sa Senado. Hindi po maipagkakaila na pati tayo po dito ay may mga forces na gusto rin tayong guluhin. Katunayan, ang inyong lingkod ay pinipilit ng mga iba-ibang forces na ito.
Wala pong pinakamagandang nangyari sa pagiging senador ko kung hindi ang panahon na ang akin pong G Pangulo ang SP at Senate Pro Tempore at ginagalang kong Sen Sonny Angara at Sen Loren Legarda ay nag-file nitong bill na atin pong dinidinig. Isang resolution isang panukala na nagbibigay buhay sa ating adhikain. Alam nyo G Pangulo yan ang pinakamagandang decision na nakita ko at pamunuan ito ng ating abogado at ekonomista na si Sen Sonny Angara. Sapagka’t ito po ay ang pinaguusapan po dito ay sanga-sanga na po. Katunayan sa ginanap pong pagdinig kanina ay napagusapan ang mga tensyon at mga discussion na nakaakibat ng panukalang ito. Itong resolution na ito itong hakbangin na ito. Sapagka’t hindi maipagkakaila at kanina ilang beses din na sinabi na yung nasa Sec. 1 Art. 17 ng ating Saligang Batas na nagsasaad na ang anumang susog o pagbabago sa Constitution, ito ay maaaring ipanukala ng Kongreso sa pamamagitan ng ¾ boto ng lahat ng kagawad nito.
Sa wikang Ingles: “… Any amendment to, or revision of, this Constitution may be proposed by Congress, upon a vote of three-fourths of all its Members”. xxx
Marami na pong mga eksperto, lupon ng mga abogado, mambabatas, mga mahistrado at legal luminaries na nagbigay ng kani-kanilang mga interpretasyon sa probisyong ito.
Halimbawa po: ayon kina dating Justice Vicente V. Mendoza at iba pang mga bihasa sa Constitution, ang dalawang Houses ay dapat magtagpo at magdebate ng sabayan (jointly) pero boboto ng hiwalay (separately). Malinaw po yan na pinagdiinan ni Justice Vicente Mendoza.
Dama po natin ang silakbo ng damdamin ni Justice Mendoza sa ating pagdinig sa Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes sa kanyang naratibo tungkol sa talastasan sa pagitan nina Commissioner Jose Suarez at Commissioner Florenz Regalado sa komposisyon ng Seksyon 1 at 2 ng Artikulo XVII.
Base sa official records, sa paglilinaw ni Commissioner Regalado, sakaling bicameral legislative body ang manaig, sinabi po mismo ni Commissioner Suarez na ilalagay sa Konstitusyon ang pariralang ‘in joint session assembled’’. Bagamat ito po ay tila nakaligtaan, hindi naman po tahimik ang mga tala sa intensyong ito.
Ginoong Pangulo, atin pong binibigyang-diin na sa 1987 Constitution, ang mismong bumuhay muli sa bicameralism sa Pilipinas matapos ipatupad ang unicameralism noong 1973. Malinaw po dito ang intensyon ng mga delegado upang panatilihin ang bicameralism sa ating kasalukuyang Konstitusyon.
Nararapat din po nating isaalang-alang na sa probisyon pagdating sa kapangyarihang maghayag ng pag-iral ng kalagayang digma o declaration of state of war – sinasaad po ng 1987 Constitution:
“The Congress, by a vote of two-thirds of both Houses in joint session assembled, voting separately, shall have the sole power to declare the existence of a state of war” Yan ay nasa Seksyon 23, Artikulo VI.
Mas malinaw pa po ito sa sikat ng araw, Ginoong Tagapangulo. Kung sa mismong pagdedeklara ng kalagayaang digma nga po ay sinasabi na ang dalawang Kapulungan na magkasamang magtitipon sa sesyon, at magkahiwalay ang pagboto, magkahiwalay, nararapat lamang po na ito rin ang gamiting panuntunan sa pamamaraan ng pagboto ng mga mambabatas pagdating sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Dahil po dito, iminumungkahi po ng inyong lingkod sapagka’t ilang beses inulit ng bihasa magagaling sa Constitution natin ilang beses inulit kanina sa hearing sabi nila oversight ito nakalimutan hindi nailagay ilang beses nila inulit.
Kaya ang aking mungkahi G Pangulo, bakit hindi po natin unang harapin ang usapin ng pagboto sa usapin ng voting separately? Sapagka’t itong ating panukala, ating resolution, ating gustong ibahagi ang lahat ng ito sa pagka hindi na naman natuloy halimbawa wag naman sana sana ipahintulot ng Panginoong Diyos matuloy ang pag-amyenda ng econ provisiopn halimbawa titigil ang usapin patungkol sa voting separately. Mananahimik na naman tayo. Itong 19th Congress palalampasin pa ba natin ang pagkakataon na tayo mismo amyendahan na natin ang nasa Art 17 Sec 1? Tayo na po ang mag-amyenda at ilagay na natin ang sinasabi ng mga expert sa batas kanina sa Saligang Batas sinasabi nila na nakaligtaan. Kaya po tayo ay nagsulong kanina upang amyendahan mismo upang matuldukan na po talaga ang kalituhang dulot ng probisyon na ito sa pamamagitan po yan G Pangulo ng isang resolution na aking ihinain kaninang umaga.
Ayon nga po kay Professor Emeritus Dr. Gerardo P. Sicat mula sa School of Economics ng Unibersidad ng Pilipinas, mayroong mga pagkakamaling nakapaloob sa ating kasalukuyang Konstitusyon na napagtanto lamang natin matapos ang ilang dekada ng pagtalima dito. Tama po si Dr. Sicat, na kung ordinaryong batas lamang po ito ay napakadali ng magiging proseso sa mga mungkahing susog; subalit dahil ang Supreme Law of the Land na po ang ating pinag-uusapan, hindi natin ito pwedeng basta-basta maisakatuparan.
Ginoong Pangulo, ang aking salmo sa inyo at sa aking kasama, kasabay po sana natin talakayin ang patungkol sa aking resolusyon na atin pong harapin na, ngayon na, itong patungkol sa voting separately. Sana po ay makasabay nito sa ating padinig patungkol sa pang ekonomiyang probisyon sapagka’t sa aking palagay ito na po ang panahon upang linawin natin kung ano man po ang nakaligtaan ng mga bumuo ng 1987 Constitution. Tayo po ang maging daan upang malinawan, matigil ang kalituhan, at tayo ay magkaroon na ng katahimikan at di na maulit uli ang palitan ng salita, palitan ng mga press release sapagka’t ito lamang po ang solusyon. Kapagka ito naamyendahan natin ang Sec 1 ng Art 17 matatapos na po ang usapin. Yan na po ang magbibigay ng closure na talagang ang ating Saligang Batas ang pinagtitibay ng ating Saligang Batas ay bicameral ang 2 house at ang 2 house na ito may kanya-kanyang voting power. Di pwedeng kailanman maging jointly.
Yan lamang po. Maraming salamat po, Ginoong Tagapangulo at mabuhay po ang Senado.
*****