Pangako ni Robin sa Yumaong Gobernador Carlos Padilla: Tuloy ang Tatak Padilla na Paglilingkod

Ipagpapatuloy ang Tatak Padilla na paglilingkod sa bayan, lalong lalo na sa larangan ng edukasyon. Ito ang pangako ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa namayapang Nueva Vizcaya Gov. Carlos Padilla.

Sa kanyang elohiyo para sa yumaong gobernador nitong Huwebes, iginiit din ni Padilla na hindi niya hahayaang masira ang pangalan na kanyang itinayo sa larangan ng paglilingkod-bayan.

“Hayaan nyo po Tiyo Caloy. Lahat po na inyong iniwan lalong lalo na sa edukasyon, ipagpatuloy po natin yan, ipaglalaban po natin yan. At kahit kailan, Inshallah, ang inyo pong itinayong pangalan natin, ang ating apelyido, kailanman ay hindi po natin sisirain,” aniya.

Partikular na pinuri ni Padilla si Gov. Padilla sa kanyang pakikipaglaban para sa mga mangingisda, maglulupa, magsasaka, at katutubo. Ang kapakanan ng mga ito ay kasalukuyang ipinaglalaban ng nakababatang Padilla sa Senado.

Ayon kay Padilla, magkaibigan ang kanyang ama na si dating Assemblyman Roy Padilla at si “Tito Caloy,” at pareho silang nanggaling sa angkan ng mga Padilla mula sa Espanya. Ang mga Padilla na napunta sa Pilipinas mula sa Espanya ay napunta sa paglilingkod-bayan, sa pag-aartista, sa pag-aabogado, at pati sa boxing.

Dagdag ng senador, bagama’t pangarap lamang talaga niya ay maging artista, dinala siya ng isang “alon” na hindi niya mapigil. Gayunpaman, ipinunto niya na ang salamin ng pageserbisyo sa publiko ay si Gov. Padilla, lalo na’t yumao na ang kanyang ama.

Naalala ng senador ang bilin ni Gov. Padilla sa kanya nang binisita siya sa Senado. Aniya, ibinilin sa kanya ng nakatatandang Padilla na tulungan ang mga nahihirapan.

“Noong nagkita po kami, binisita niya po ako sa Senado, ang sabi ko sa kanya Tiyo Caloy paano kita matutulungan sa iyong bayan, sa iyong probinsya? Sabi niya relax ka lang. Hindi ko kailangan ang tulong mo doon, tulungan mo ang iba na nahihirapan. Sapagka’t diyan sa Nueva Vizcaya kayang kaya ko na yan. Ganyan po siya, hindi siya mapagsamantala. Siya pa nagsabi sa akin puntahan mo ang mga nangangailangan na katutubo sa ibang lugar. Yan ang puntahan mo, huwag na ako. Ganyan po siya,” aniya.

Iginiit ni Padilla na hindi niya kalilimutan ang lahat ng kanyang ibinilin.

Nagpasalamat din ang senador sa yumaong gobernador sa pagsuporta sa kanya noong kumandidato siya noong 2022 – isang tawag lang at tiniyak ng gobernador na hindi na niya kailangan pang pumunta sa Nueva Vizcaya dahil “No. 1” na siya doon. Pero humingi rin siya ng paumanhin dahil noong tumakbo siya sa Senado, hindi siya nakarating.

Video:

Video: