Sa botong 21-0-0, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa nitong Lunes ang panukalang batas kung saan may-akda at sponsor si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla, na nagdedeklara ng Pebrero 1 bilang National Day of Awareness on the Hijab and other Traditional Garments and Attire.
Pinasalamatan ni Padilla ang kapwa niyang senador para sa kanilang suporta para sa Senate Bill 1410, na aniya’y susulong sa pagkakaunawaan sa pagkakaiba ng kultura, tradisyon at pananampalataya.
“Napaka espesyal po ng araw na ito hindi lamang po para sa ating mga kapatid na Muslim kung hindi para sa lahat ng Pilipinong naghahangad ng mas malalim na pag-unawa sa pagkakaiba ng kultura, tradisyon, at pananampalataya,” aniya matapos ang pagboto.
“Sa ating paghahangad ng isang lipunang walang diskriminasyon, napakahalagang kilalanin at harapin – hindi takasan at iwasan – ang mga partikular na hamon na kinakaharap ng isang komunidad,” dagdag ng mambabatas.
Binati ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Padilla sa pagpasa ng kanyang “first measure as senator.”
Ang Senate Bill 1410 ay ihinanda ng Senate Committees on Cultural Communities and Muslim Affairs kung saan tagapangulo si Padilla; at ang Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
Layunin ng panukalang batas na itaguyod ang pagpapahayag ng pananampalataya na walang diskriminasyon.
“To promote diversity, awareness and tolerance of religious and cultural beliefs expressed through the wearing of indigenous clothing, head garments and coverings, such as but not limited to hijab, sinulog and tapis. Feb. 1st is hereby declared as the ‘National Day for Awareness on the Hijab and Other Traditional Garments and Attire,'” ayon sa panukalang batas.
Nilinaw rin sa panukalang batas na hindi pinupwersa ang pagsuot o hindi pagsuot ng kasuotan.
Ang Senate Bill 1410 ay kapalit ng Senate Bill 1272, na ihinain ni Padilla para ideklara ang Pebrero 1 bilang National Hijab Day para kilalanin ang milyon-milyong Pilipinang Muslim na nais isuot ang hijab; at para na rin isulong ang “cultural understanding and inclusivity.”
Sa paghain ng Senate Bill 1272, ipinunto ni Padilla na dapat nang tuldukan ang diskriminasyon lalo na laban sa kababaihang Muslim sa pamamagitan ng “awareness, education and empowerment.” Dagdag niya, hangad ng panukalang batas na kontrahin ang “colonial mentality” kung saan nagiging simbolo ng pag-aapi sa kababaihan ang hijab.