PRIVILEGE SPEECH Senador Robinhood “Robin” C. Padilla

Assalaam-Alaikum warahmatullahi wabarakatuhu.

Ginoong Tagapangulo, ako po ay tumatayo sa pulpitong ito upang sundan po ang mga pahayag ng ating mahal na senador mula sa San Juan, Sen. Jinggoy Estrada.

Nitong nagdaang linggo ay naging tampok na usapin ang insidente sa pagitan ng dalawang supply boats ng Pilipinas at China Coast Guard at mga militia vessel nito. Ang ating mga bangka na puno ng pagkain, tubig, at iba pang mga probisyon ay patungo sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal nang sila ay bugahan ng water cannon ng mga Chinese vessels.

Dito po sa plenaryo, isang resolusyon ang inihain ng ating ginagalang at mahal na Senate President Juan Miguel Zubiri at Senadora Risa Hontiveros. Nagkaroon po tayo ng talastasan, at inadopt po ito ng buong Senado bilang Adopted Resolution Number 79.

Kung inyo pong maalala, noong Mayo ng taong 2021, ako po ay naglayag mula Navotas papunta sa Pagasa Island hanggang Ayungin Shoal at pabalik. Nakadaong kami sa iba’t ibang pulo ng Pag-asa, bumabad sa init ng araw at sumuong sa katubigan.

Tayo po mismo ang lumapit at humamon sa mga kalapit na Chinese vessels pero sa kabutihang palad, radio challenge lamang po ang ating natanggap– hindi po tayo nabugahan ng water cannon.

Nitong ika labing isa ng Agosto, araw ng Biyernes, minarapat po nating muling lumapag at makilubog sa Pag-asa. Ninais po nating muling makita, marinig, at madama ang sitwasyon sa bahagi na iyon ng bansa at dalhin po sa loob ng apat na sulok ng plenaryo.

Sa buong paglalakbay po namin sa tinatayang dalawang daan (200) nautical miles mula sa kanlurang baybayin ng Palawan, nag-aantay po tayo ng radio challenge ngunit tahimik po ang mga Tsino. Marahil po dahil noong nagkaroon ng insidente nitong nakaraang linggo ay nakabantay na po ang ating dalawang Navy ships – ang BRP Laguna (LS501) at BRP Benguet (LS507). Makikita rin po natin na nandoon sa Pag-asa ang ating Philippine Air Force.

Sinuyod po natin ang Pag-asa kasama ang ilang miyembro ng aming tanggapan. Malugod rin po ang pagtanggap sa atin ni Mayor Roberto del Mundo kasama ang mga barangay officials at mga residente.

Kabilang po sa ating pinasasalamatan ay sina Admiral Alberto Carlos ng WesCom, Lt. Tiffany Ann Palmares; Commander JHEFFRIE B LEGASPI — ang Commanding Officer ng Joint Task Unit Pag-asa; at Lieutenant RYAN CELLAN Commanding Officer of Naval Station Emilio Liwanag.

Sa amin pong paglapag ay nagpaabot tayo ng kasiyahan sa ating kababayan. Sakto po na nagse-celebrate rin ng kaarawan ang aking may-bahay na si Mariel kaya naman napili po naming hindi mag-honeymoon kundi makasama ang ating mga kababayan.

Ginoong Tagapangulo, ang Pag-asa po ang nag-iisang isla sa gitna ng West Philippine Sea na nagsisilbing tahanan ng higit tatlong daang (300) Pilipino, ayon sa tala. Sa kabila po nito, halos singkwenta porsyento na lamang po ang natira sa isla dahil nagsilipat na po sila sa siyudad. Hindi na po aabot sa isang patak ang bilang ng mga naninirahan dito kung ihahambing sa kabuuang populasyon ng bansa na papalo na sa 110 milyon.

Napakaliit na lupa na may napakanipis na populasyon — pero wala pong makatatanggi at walang pag-aalinlangang kong sasabihin na ang Pag-asa ang pinakamahalaga at pinakamakapangyarihang yunit na saklaw ng Pilipinas sa usaping geopolitikal.

Mismong si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. po ang nanguna sa pagkilala sa Kalayaan Islands bilang hiwalay na munisipalidad na sakop ng Lalawigan ng Palawan. Sa bisa ng Presidential Decree No. 1596 na inilabas ni dating Pangulong Marcos noong Hunyo 11, 1978, pormal na kinilala ang Kalayaan at siniguro ang pag-unlad nito bilang bahagi ng Pilipinas.

Napakalalim po ng kasaysayan ng Pag-asa na nag-ugat sa ating paninindigan at tapang na angkinin ang karapat-dapat na sa atin.

Gayunpaman, hanggang sa kasalukuyan, nanatili lamang pong pangalan ang “Pag-asa” – hindi maabot o matanaw man lamang ng maraming Pilipino.

Ginoong Tagapangulo, sa gitna ng usapin dito sa Kongreso, ang nais po nating marinig ay ang umaalingawngaw na pahayag na hindi nag-iisa at kinalimutan ang natatanging pamayanang Pilipino na naninirahan sa gitna ng napakalawak na West Philippine Sea.

Nais ko pong ipakita sa inyo ang ilan sa mga hinaing ng mga taga-Pag-asa na nais nating tugunan.

Una po, ang mabilis na pagpapaggawa ng mga imprastraktura na nasira ng bagyong Odette. Hanggang sa kasalukuyan po ay nananatili pa ring nakatiwangwang ang mga ito. Makikita po natin sa mga videos ang mga tinutukoy nating pasilidad:

Una po: Munisipyo ng Kalayaan. Tingnan nyo mga mahal kong kasama. Halos dalawang taon na po ang nakalipas noong hinagupit tayo ng Bagyong Odette pero nananatili pa rin pong sira ang kanilang munisipyo ng Kalayaan. Paano sila magsasagawa ng kanilang local na programa at pagtitipon?

Pangalawa po: Ang Pag-asa Island Integrated Elementary and High School. Balik-eskwela na po pero walang bubong, wala pong pader pa rin ang bubungad na paaralan sa mga mag-aaral sa Pag-asa. Papaano naman po ang ating bata, paano ang kanilang pag-aaral?

Pangatlo: Housing program. Dahil po siguro sa pagtitipid ay hindi papasa bilang disaster-resilient infrastructure at tiyak ko po na masisira at liliparin din ng bagyo. Ang ating nais po sana ay maging modelo ang imprastraktura ng Santorini, Greece na kayang tumindig sa gitna ng bagyo at sakuna.

Ang mga gusali pong iyan na ating nakikita ay kadalasang gawa sa makapal at konkretong pader at bubong. Ang elemento ng istruktura ay partikular na idinisenyo para sa extreme weather conditions.

Pangalawa po, ating makikita ang napakagandang kalikasan at karagatan ng Pag-asa. Ang beach po na makikita ay kawangis ng Maldives. Panoorin po ninyo ang maiksing video na iyan,

World class po ito kung atin lamang bubuhayin at bubuhusan ng puhunan para sa turismo.

Bilang panghuli, kailangan pong buksan natin ang mas malaking oportunidad sa pamumunhunan at kabuhayan ng taga-Pag-Asa. Panahon na po para maging pugad ng mga mangingisda ang Kalayaan. Maisasagawa po natin ito kung may fuel dump o gasolinahan sa mismong isla. Dapat ay may sustainable na pagkukunan ng enerhiya ang mga motor boats at power supply para sa mga residente ng Pag-Asa.

Ginoong Tagapangulo, ang atin pong punto: Napakalaki ng pag-asa sa Pag-asa. Alam naman po natin ito: “Lahat ng lugar, kung iiwang nakatiwangwang at walang nakatira, titirahan po yan at titirahan ng mga iskwater. Sa kaso po natin, ang mga banyagang iskwater, hindi natin kayang sipain ng pwersahan.” Ang pinakamainam po sa lahat ay punuin natin ito ng mga Pilipinong maninirahan sa islang tinatawag nating atin.

Kung atin pong tutugunan at bibigyang aksyon ang hinaing ng ating mga kababayang nahaharap sa araw-araw na hamon ng sikmura, seguridad, at kabuhayan — darating po ang panahon na hindi na natin kakailanganing sumigaw na “Atin ang Pag-asa” dahil may buhay na buhay na patunay na sa atin ito.