Ihinain ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Lunes ang resolusyon na tutuldok sa matagal nang isyu kung boboto ba ng magkasama o magkahiwalay ang Senado at Kamara sa pag-amyenda ng 1987 Constitution.
Sa Resolution of Both Houses 7, nais ni Padilla na amyendahan ang Section 1 ng Article XVII (Amendments or Revisions) sa Saligang Batas para sa hiwalay na pagboto.
“There is a need to amend the aforementioned provision in order to be consistent with the intention of the framers of the Constitution to adopt a bicameral legislature and to leave no room for interpretation as to the manner of voting which over the years have caused disputes among both the Senate and House of Representatives,” aniya.
Sa RBH 7, ang Section 1 ng Article XVII ay aamyendahan para payagan ang pagmungkahi ng Kongreso ng pag-amyenda o pagrebisa sa 1987 Constitution “by a vote of three-fourths of both Houses in joint session assembled, voting separately; or a constitutional convention.”
Sa panayam sa ANC, iginiit ni Padilla na ang isyu ng pagboto ng hiwalay o magkasama ay dapat maresolbahan bago talakayin ng Kongreso ang ibang aspeto ng pag-amyenda ng Saligang Batas.
“Kasi hindi matatapos ito, legal question ito. Pati judiciary, maraming comments. Kung ang comments ma-absorb nating lahat ang gulo gulo na. Kaya pwede sana magkaroon tayo ng itong Congress na ito ang 19th Congress matapos ang usaping ito at magkaroon ng finality kung ano ang nasa Art 17 Sec 1 na yan,” aniya.
Samantala, iginiit muli ni Padilla ang pangangailangan para amyendahan ang economic provisions ng Saligang Batas para mawala ang hadlang sa progreso.
Aniya, bagama’t isinulong ng nagbuo ng 1987 Constitution ang “Filipino First,” maaaring hindi na ito angkop sa globalization – kung saan ang Pilipinas ay ika-13 sa 14 ekonomiya sa Asia-Pacific sa Foreign Direct Investment (FDI) Attractiveness Scorecard para sa 2020.
Bagama’t pinasa ng Kongreso ang Public Services Act para magkaroon ng dagdag na pamumuhunan, nag-aalala ang mga namumuhunan matapos ito kwestyunin sa Korte Suprema, dagdag niya.
“Ito pong hakbang na ito na tunay na aking pinaniniwalaan na makatutulong sa pag-unlad ng ating bansa at makawala po sa tanikala ng pangungutang sapagka’t sa usapin ng lohika, pagka may investment ibig sabihin may puhunan. Pag may puhunan may iikot na pera. At pag umikot ang pera magkakaroon po ng trabaho, magkakaroon ng tamang sweldo at magkakaroon ng ibig sabihin ng pagtakbo at pag-ikot ng ekonomiya,” aniya.
*****