Pagsunod sa International Humanitarian Law, pangmatagalang tigil putukan, at walang hadlang na “humanitarian access” sa Gaza sa gitna ng giyera sa pagitan ng Israel at Hamas at armadong grupong Palestino.
Ito ang mga panawagan ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa kanyang Senate Resolution 880, na nagpapahayag ng “sense of the Senate” tungkol sa madugong giyera.
“Resolved, as it is hereby resolved, by the Senate of the Philippines, to call for adherence to International Humanitarian Law, a sustained ceasefire, and unhindered humanitarian access in Gaza amid the conflict between Israel and Hamas and other Armed Palestinian Groups,” ani Padilla sa kanyang resolusyon.
Sa resolusyon, ikinalungkot ni Padilla na higit 17,000 na ang namatay, kasama ang 6,700 bata; at di bababa sa 50,000 ang nasugatan dahil sa giyera.
Ipinunto niya ang sinabi ni Erika Guevara-Rosas ng Amnesty International, na ang tigil putukan ay mainam na paraan para tiyakin na ang mga sibilyan ay protektado sa Israel at mga occupied Palestinian territories; at para maibsan ang “mass humanitarian suffering” sa Gaza.
Dagdag ni Padilla, in-adopt ng United Nations Security Council ang Resolution 2712 noong Nobyembre 15, na nananawagan ng “urgent and extended humanitarian pauses and corridors through the Gaza Strip to facilitate the provision of essential goods and services.”
Pati ang pinuno ng mga ahensya ng United Nations ay nanawagan ng humanitarian ceasefire sa Gaza sa gitna ng airstrike ng Israel, dagdag ng mambabatas.