Robin at Mariel, Bumisita sa Mayon Evacuees sa Albay

Naghatid ng tulong at pag-asa si Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Biyernes sa mga residente ng Albay na napilitang lumikas ng pag-alburuto ng Bulkang Mayon.

Tumungo si Padilla at ang kanyang asawang si Mariel sa Anislag Elementary School sa Daraga, Albay kung saan hinimok niya ang mga evacuee na magbalik-loob sa Diyos.

Si Padilla ang unang senador na bumisita sa mga Mayon evacuees.

“Pag tayo dumadaan sa pagsubok, yan isang bagay na ibig sabihin tayo ay bumalik sa pananampalataya sa Diyos,” aniya. “Ang pagsubok na ito, alam kong malungkot at masakit, pero isa itong pagkakataon manumbalik sa Panginoong Diyos.”

Dagdag ng mambabatas, hindi sila pababayaan ng pamahalaan at ipinakita ito sa pagbisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Albay.

“Hindi kayo pababayaan ng gobyerno lalo ng DSWD. Nandiyan sila para arugain kayo. Pero sana sa pagkakataong ito mag balik loob tayo sa Panginoong Diyos,” aniya.

Ayon kay Padilla, gustong gusto niyang dumalaw sa mga lumikas.

Pagkatapos ng kanyang pagtalumpati, naghandog ng awit si Padilla na “Wonderful Tonight,” samantalang si Mrs. Padilla ay nagbigay ng saya at gantimpala sa pamamagitan ng ilang laro.

Video: