Binababoy na ba ang Saligang Batas para pagtakpan ang krimen?
Ito ang tanong ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Martes sa pagdinig ng Senado sa diumano’y pagkasangkot ng pulis sa iligal na droga, at sa pagtangka nilang pagtakpan ang kanilang gawain.
Ani Padilla, bagama’t ang mga karapatan sa Konstitusyon – kasama ang karapatang manahimik – ay naglalayong protektahan ang karapatan ng mamamayan, maaaring inaabuso na ito para tiyaking hindi lumabas ang katotohanan.
“Kung ganitong magtatakipan, hindi ko po alam kung itong ating Konstitusyon ay binababoy na mismo nitong mga taong ito. Talaga bang ang ating kinabukasan ay napakasakit sabihin, pagka ang batas ba talaga ay may pinipili?” aniya.
“Napakasakit isipin na tayo ginagamit natin itong Constitution na sinasabi natin tayo mismo na nasa gobyerno ngayon, sasagutin tayo ng ating mga pulis, merong video sa harap natin sasabihin ng mga ito na di sila yan, sasabihin ng Napolcom sila yan, sasabihin ng DOJ due process. Saan po itong Constitution natin?” dagdag niya.
Sa Art III, Section 12 ng Konstitusyon, “any person under investigation for the commission of an offense shall have the right to be informed of his right to remain silent and to have competent and independent counsel preferably of his own choice.”
Ani Padilla, nag-aral siya ng criminology dahil iniidolo niya ang mga pulis. Dagdag niya, hinarap pa niya ang mga kaso sa kanya at nakulong matapos hatulan, dahil sa kanyang pagrespeto sa justice system.
Pinayuhan niya ang mga pulis na isinangkot sa drug trade na alalahanin ang kanilang panunumpa. “E kayo po na nandiyan sa serbisyo na kayo ay tumanggap ng oath, kayo tumanggap ng inyong pagsumpa, sana po ilabas nyo ang bayag ninyo diyan,” aniya.
Nitong Martes, iginiit din ni Padilla na kailangan isang batas na kinatatakutan ang kailangan para tuldukan ang “overdose” ng pagkakasangkot ng tagapagpatupad ng batas at ng mga pulitiko sa bawal na gamot – kasama ang nagtatangkang pagtakpan ang kanilang mga kabaro.
Ihinain ni Padilla ang Senate Bill 2217 na papatawan ang parusang kamatayan sa tagapagpatupad ng batas at mga halal na opisyal na sangkot sa iligal na droga.
“Yan po ang hakbang natin. Kasi na-overdose na tayo dito sa Senado laging sumasabit ay naka-uniporme at noong panahon ni dating Pangulong Duterte, sasabit ang narco politicians. Kailangan natin ng batas na maging maanghang at matapang at kinatatakutan. Nakalagay dito sa ating bill, basta armed, trained, sa law enforcement, kailangan po talaga ang death penalty,” aniya sa online interview kay Erwin Tulfo.
“Siguro kailangan talaga huwag puro sailta kasi puro salita na lang kami. May aksyon kami gawin na natin ito, ngayon na, kailan pa?” dagdag niya, sabay ang pag-aasang may maihain na parehong panukalang batas sa Kamara.
Sa panukalang batas ni Padilla, parusang kamatayan ang naghihintay sa opisyal o myembro ng AFP, PNP “or any other uniformed or law enforcement agency.” Kamatayan din ang naghihintay sa halal na opisyal na nakinabang sa drug trafficking o nakatanggap ng kontribusyon o donasyon sa mga nahatulan sa drug trafficking – bukod sa pagtanggal sa pwesto.
Nguni’t hindi papatawan ng parusang kamatayan ang nagkasala kung ito ay babaeng buntis; o sa ma edad 70 pataas.
Iginiit ni Padilla na sobrang “mabait” ang kasalukuyang batas, kung saan makakalusot ang tiwaling pulis kung gagamitin nila ang karapatan nilang manahimik.
“Masyado tayong mabait sa mga akusado, sobrang bait, hindi ko maintindihan,” aniya.
Dagdag ni Padilla, ang pagsama ng panukalang batas niya sa mga halal na opisyal ay para tugunan ang kawalan ng “command responsibility” lalo na kung may pinagtatakpan ang mga pulis.
“Pag may sumabit sa baba dapat sabit ang nasa taas,” aniya.
Video: