Robin: Correction, Hindi Torture sa Bilibid

Correction at hindi torture. Ito dapat ang ginagawa sa New Bilibid Prison dahil may karapatan ang mga bilanggo o Persons Deprived of Liberty (PDL).

Iginiit ito nitong Martes ni Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla sa pagdinig ng Senate Committee on Justice and Human Rights sa New Bilibid Prison, tungkol sa naiulat na mass grave sa isang septic tank sa NBP.

“Ang BuCor po, noong panahon po namin, correction. Malalim ho ang ibig sabihin noon. Hindi na ho ito penitentiary. Ibig pong sabihin may human rights pa rin ang bilanggo, meron pa rin silang mga karapatan. Ang tinanggal lang natin sa kanila, kalayaan. Pero para mamuhay, hindi po natin tinatanggal yan. At ang mga pribilehiyong binibigay, yan po ay pinapayagan ng UN. Pag sinabi po nating UN, meron po tayong mga guidelines sa mga prisoner,” aniya.

“Hindi po ibig sabihin niyan na kapag isang bilanggo torture-in natin yan pahihirapan natin, wala na pong hard labor ngayon. Ang BuCor, ibig sabihin noon ay rehabilitation. Pagka pinagusapan natin ang rehabilitation may privileges po yan,” dagdag ng mambabatas.

Dagdag ni Padilla, ito ang dahilan kung bakit hindi niya manamnam ang mga nababalitaan sa Bilibid, kasama ang diumano’y mga abuso sa loob nito.

Iginiit din ni Padilla na kailangang maliwanagan ang mga naiulat na nangyari sa Bilibid, dahil hindi ring imposibleng “fake news” ang ilan sa mga naiulat.

Aniya, sa tatlo at kalahating taon na nanatili siya doon, nagbagong buhay siya. “Ako po ay punong-puno pa ng kaligayahan sapagka’t muli akong nakatapak sa aking tirahan ng 3.5 taon. Itong lugar na ito dito ko po nakita ang katahimikan sa buhay ko. Dito ko po nakita ang kapayapaan,” aniya.

“Hindi ko po manamnam ang mga bagay na nababalitaan ko ngayon. Medyo malayo ito sa nakita ko noon. Kasi noon talagang gusto naming magbago,” dagdag niya.

Nanawagan din si Padilla sa mga bilanggo na makiisa sa imbestigasyon dahil mawawala ang pribilehiyo nila at ng mga kakosa nila – tulad ng visitation rights – kung may gulo at naghigpit sa NBP.

“Tulungan nyo kami. Kailangan naming malaman kung saan napupunta itong bilanggo. Hindi kami titigil dito,” aniya.

Hinimok din niya ang Bureau of Corrections na bigyan ang PDLs ng pribilehiyo kung maganda ang ginawa nila. “Malaki ang tulong niyan sa rehabilitation,” aniya.

Video: